Ang wikang Filipino daw ay wika ng pagkakaisa.
Nag-umpisa akong magsulat sa salitang Bikol. Sa tagal kong nawala sa Naga, parang nakakalimutan ko na ang salitang bikol. Kaya’t sabik akong may makausap na bikolano. Nag-try akong magsulat sa kapatid kong nasa Amerika at sa mga kabarkada. Puro lang naman kalukohan ang laman. Dahil sa kakalugan at nakakatawa ng pagkakasulat daw, ikinalat ng kaibigan ko sa ibang mga kaibigan namin. Hindi maintindihan ng iba at ng mga anak ko, nagdecide akong isalin ang iba sa wikang Filipino. Ang sarap pala ng pakiramdam, kapag maraming nakakaintindi at nagtatawanan. Gusto ko rin sanang inglesin para mas maintindihan pa ng iba, pero di ako sigurado sa aking pagsalin kung tama o mali. Baka ako pagtawanan, hindi dahil sa laman ng sulat kundi sa grammar. May mali nga din sa pagkakatagalog at spelling, lalo’t pa madagdagan kung iinglesin ko pa. Kaya’t naisip ko, bahala na lang ang mga englishero!
Noong maliit pa si Ninay, tuwang-tuwa ako, kasi unti-unti syang natututo magsalita, ingles pa naman din. Kapag naririnig ko sya, ang saya ko, sabi ko nagbunga ang mga pagsasalita ko ng ingles sa kanya. Ngayon bihasang-bihasa sya sa math.

Matagal kong nakatrabaho ang mga hapon, alam mo naman sa kanila magkaintindihan lang kayo, ok na. Walang pakialam kapag ibang salita na. Si Azegami-san na matagal kong nakasama, nagkakaintindihan kami at naging magkaibigan, kahit na ang English namin ay parihas barok. Hindi rin namin plinano na mag-aral ng kani-kanilang lingwahe para magkaintindihan. Pagsinabi nya…”don-san, yes, Azegami-san?”, ayos ang buto-buto. Ingles kong sinulat, bilis sang-ayunan nya, kasi di nya din ma-correct, eh tingin nya mas magaling ako sa kanya sa Ingles. Ang sabi nya na lang basta naintindihan nya, maintindihan na rin yan ng sino man. Sa kanya daw wala yan, sa Pinoy daw ang unang napupuna ay ang grammar kaysa sa laman ng sulat.
Sa opisina pagnagmiting dahil sa mga hinaing..sabi ng boss, no holds bar daw, patuloy sya sa pagsalita sa ingles. Sinundan din ng isang sipsip, naka-barong pa ‘man din. Dahil naumpisahan sa ingles, ingles na din yun sumagot, inglesan na yung miting. Yun mga pala-ingles sila ang pumapayagpag, yun mga malalakas ang loob nakakapagsalita din. Yun mga maykahinaan, tahimik na lang. Bubulong-bulong sa katabi, minsahe gusto ipaabot sana, subalit yun napagsabihan ang gustong umibabaw ang gusto nya lang. Paglasing naman ito, ingles ng ingles, di paawat lalo’t may ka-table. Kaya’t iilan lang ang nag-uusap-usap. Tatangu-tango lang, as if sang-ayon, pero nag-iisip kung pano sasabihin, sa tingin nya mas magaling ang naiiisip nya. Pero sa tagal ng pagtranslate nya sa english, mag-isip ng tamang grammar, naubusan na ng oras. Akala ng boss, kontento na, ok lahat sa mga paliwanag ng mga inglesero. Kaya’t pagkatapos ng miting, dismayado ang karamihan, di napaabot ang gusto. Bitin na bitin, umiral ang di sikat na pananaw. Akala yun na ang pinakamaganda, ngunit meron pa pala. Yung tagalinis ng kwarto, ang tanong…”Hangan tagalinis na lang ba ako?” Yun pala, minsan paraan lang ng kumpanya para wala ng mahabang usapan, nabawasan yun pag-uusapan. kung kaunti ang nagboboses, kaunti ang lumalabas na reklamo.
Subukan mong tagalog ang usapan, siguro di mo mapigil ang kadaldalan, lumalabas ang bawat pananaw, maybuhay ang usapan. Nakakapili ng makakabuti, nagkakaisa sa sikat na pananaw. Pagtinanong mo may sagot agad. Lahat nag-iisip na may masabi, lahat nagpaparticipate. Puera na lang talaga kung walang pakialam ang kumag na yan, meryenda lang ang inaabangan. Yun tagalinis ng kwarto, sumisipag pa dahil nae-released nya ang basurang kinikimkim nya.
Bakit ka naman nga mag-iingles, kung lahat naman kayo Pinoy. Kung wala ka naman dapat pagtakpan, Kung wala kang iniiwasan. Kung ang gusto mo marinig hanggang sa pinaka maliit. Kung magkwentuhan naman kayo tagalog, bakit pagsamiting parang formal kapag inglesan, sa tingin ng iba baduy kapag salitang Pinoy. Bakit hindi taglisin, para nasagitna, lahat maka-relate. Sabagay kapag tagalogan, humahaba ang usapan. Pwedeng walang pagkayarian, pero may-umaga pa para maayos at marating ang maganda. Lalabas ang sikat na pananaw, para sa lahat ang kabutihan. Isipin mo nga naman, ilang beses ka mag-isip bago ka magkapagsalita, baka tatlong beses? May naisip kana ngang pananaw, pangalawa ang isipin kung tama o nararapat. Ang pangatlo ang isiping ang tamang grammar. Buti kung bihasa ka, kung hindi, nagasgas ang isip mo, imbes nakapag-isip kana ng iba pang pananaw.
Pagmaigi ka raw umingles nagkakaroon ka ng confidence, as if matalino ka. Kainggit nga minsan. Pero ingles kasi ang mas minahal natin kaysa Filipino. Kung palaging tagalog ang salita natin, palagay ko yung confidence na sinasabi mas iigting kasi mas nagiging maka-Pilipino ang dating. Ang kontra ko pa ang pagamit ng ingles sa tamang lugar at oras. Sa elevator, englisan ng englisan, sumasabog tuloy ang ilaw. Yun mga nakakarinig na makabayan, bumababa na kahit wala pa sa floor nya, kundi lang sinusumpong ng masakit na tuhod, palagay ko magfire-exit na.
Noon bata pa ako habang nanunuod ng tv sa mga diskusyon ng mga kandidato, ang ating mga lider napipili kung gaano kagaling sa englis. Kapag di madalas mag-aah sa salita nya, tulo-tuloy, siguradong nakakalamang na, tingin ang galing ng kandidato ng mga senior natin noon.. Kapagpanay ah, sinisigawan na tagalugin na lang. Dati wala naman nag-iindurso na mga makadiyos na grupo, kundi ang basihan magaling ka masdiskurso. Yun pala, sa salita lang magaling, sa paglingkod sa bayan, nangingibabaw ang kaswapangan. Kaya’t ano ngayon ang napala ng Pinas? Napag-iiwanan ng ilang taon ng mga bayan na nagmamahal sa wikang pinagmulan.
Sabi nila advantage daw ang marunong umingles, oo naman, wala naman question dyan. Lalo na’t nasa ibang bansa tayo at doon naghahanap buhay. Pero kung dito sa Pinas inglesero., hindi na. Minsan iniiwasan tayo ng mga makabayan, pano nahihirapan makibagay, baka wala tayong kalaro sa lansangan, dating natin di maabot. Ang pinoy daw nagustuhan ng mga banyaga sa ibang bansa, dahil sa runong daw umingles. Pero sa akin pananaw ay hindi, ito’y isa lang, pero talaga ang nangingibabaw ang sipag at pasensyang tunay.
Sa tingin ko lang ngayon, mas pinahahalagahan na ng mga tv station, kasi nga sa mga talkshow sa TV ay tagalogan na. Salamat kay Randy David na sa tingin ko nagpasimuno noon. Kapagnag-ingles ka sa show nya, sasabihin nya tagalogin mo na lang para maintindihan ng karamihan. Ngayon parang bihira na ako makakita ng inglesero sa talkshow o sa mga balita. Kung meron man, nilalangaw kasi di masyadong nakakarelate sa masa. Pati nga yun hollywood movies ay tinatagalog na, pabor din yan sa kasi minsan di rin masyadong maintindihan kung di sasabayan ng pagbasa ng subtitle. Mga teleserye tinatagalog, nawala na din yun mga ingles na mga series, kung gusto mo sa cable ka manood, magbabayad ka pa.
Napapansin ko, maraming mga business establishments ngayon na ang karatula ay in Chinese o’ Korean characters, yun pangalan buong walang translation. Kaya’t hindi mo malaman kung anong business sila meron. Mamasyal ka sa Frienship sa Clark o’ sa Chinatown, makita mo parang wala ka sa pinas na. Ang alam ko para lang sa mga dayuhan ang mga ito, imagin sa bayan ni juan? Baka minumura na tayo o’ kaya’y bastos ang nakasulat na doon. Wala bang mangbabatas na gumawa ng batas na ipagbawal ang walang translation sa tagalog o english? Lakihan ang pangalang mababasa, at sa baba yun dayuhang salita na maliit lang.
Sa Davao pumunta kami sa Samal Island, may mga karatula ang nakasulat ay Korean at English. Paano naman kaya ang ibang dayuhan? Diba dapat yun local na dialect ang isulat para matutunan nila. Hayaan mong magkusang intindihin nila, kaysa di natin alam ang nakasulat sa sariling bayan natin. Kaya tayo kung bastusin minsan, ganun na lang kasi akala nila mas lab natin sila. Hayaan mong dalhin nila ang wika natin kaysa ang dangal natin. Malay mo pag-uwi nila, kubeta na imbes na CR ang tawag nila, diba nakakasaya?
Si Rizal maraming natutunan na lingwahing banyaga, pero mas minahal nya ang inang wika. Sabi nya nga..”Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay mas mabaho pa sa malansang isda”. Tama naman, magaling nga tayong umingles, pero di naman tayo maintindihan ng karamihan at di rin makapagsalamuha kasi naiiba tayo.. Kapag wala ng kausap siguradong babaho ang hininga,. Reklamo ng reklamo sa gobyerno, sa simpling paggamit ng tamang salita ay alangan bumigkas. Kung tayo lang lahat nagmamahal sa wikang Filipino, baka ngayon asensado na tayo. Kasi napapairal ang tunay na damdamin at di ng iilan lamang. Walang diskriminasyon, lahat nakakapagrelate, mahirap ka man o’ mayaman, matalino ka man o’ may kahinaan, nagkakaisa dahil nagkakaintindihan. Di naman kailangan ang maging makata ka o makipagbalagtasan mapakita lang ang pagkapinoy mo. Ang akin lang ang kaunting pagtingin na sa buwan man lang ng Agosto, na kinikilala natin na “Buwan ng Wika” ay mawika natin ang wikang Filpino.