Naalala ko pa ang lahat…
Valentine noon…mga Juniors kami, 38 years na ang nakakaraan…
Pagkatapos kong maligo, ang sarap kong amuyin sa pabango ng aking ama, sa leeg, sa dibdib, sa kamay, lahat ng mga singit ko mabango na. Sabi ko, “dapat bitbitin ko ito, baka pagpawisan ako kasasayaw, magpalagiang magpabango na lang.
Magkabilang kilikili, ulit-ulit kung pinadaanan ng Veto, yun buhok pumuti na dahil sa kapal ng deodorant ko. Pomada ko ger yung pinipisil na Honeymoon. Suot ko ger, polong puti na uniform, puting-puti na nagblublue dahil sa pagkakaalmerol sa Tide na may anyel. Gabardine na pantalon na gray, bell bottom ang style. Nagsa-shine ang bagong sapatos na Bantex, ang taas ng takong, pero di makita kasi ang lapad ng gayad ng aking pantalon.
Bago ako umalis ng bahay, nagdakot ako sa garapon ng Juicy Fruit sa aming tindahan. Sa isip ko, para makasigurong mabango ang bibig sa mga very sweet na sayaw. Sumisipol habang patungo ako sa aming eskwelahan, parang si don Travolta. Ang bilis ng lakad ko ger, talagang excited masyado, atat na atat na makarating na sa prom.
Bago ako pumasok sa aming eskwelahan, dumaan muna ako sa paborito kung tambayan na tindahan ni Arevalo, katabi lang ng gate ng UNC. Sabi ng tindera...”ikaw yan don?”, “plantsado at ang puti ng polo mo ngayon, dati naninilaw na yan, hmmmmnn.
Pagdating ko sa venue, nandon na ang karamihan. Ang magaganda kong classmates nandon na din, nakalinya, naghihintay na, excited lahat, sina Maribel (Araguirang), Cora (Antero) Lourdes (Aven), Jocelyn (Mania), Evelyn (Duyan), Maxilinda (Dela Cruz), Mryna CPonon) at si Remedios (Dometita) magkakatabi.
Lumapit sa akin yun bestfriend ko, si Antonio (Perez).
Sabi nya, “Don bili tayo ng posporo” ah, bakit? tanong ko. Para di makalimutan kung ilan ang isinayaw natin, maglagay tayo ng palito sa bulsa, bawat sayaw, isang palito, paramihan na tayo, “hehehe, Ah Ok, tig-isa na tayong kaha, baka kulangin pa ako” payabang na sinabi ko.
Kitang-kita ko ang linya ng mga babae, yung mga magaganda nagsipagtabihan. Tinginan sila sa akin habang dumadaan ako, ang lalagkit ng tingin nila sa akin, para bang ang ibig sabihin, “Don isayaw mo ako”
Noong sayawan na ger, hindi ako mapakali, tatayo ako, tapos uupo, papunta na sana sa hanay ng mga babae, pero babalik na naman, di alam ang gagawin, nauunahan ako ng hiya. Dinig na dinig ko ang kaba sa dibdib ko, sumasabay sa mga love songs ng Beatles, James Taylor at Captain and Tennille at marami pang iba. Nakakakilig sana. Nakakainggit, ang mga kaklase kong lalaki sayawan doon, sayawan dito. Yun mga babae naman, di makaupo, balik na agad sa gitna, pinag-aagawan, lalo’t na ang crush ko. Ang iba, pinagpapawisan sa tunog ng disco ng Bee Gees at ni Donna Summer. Yun iba very sweet sa sweet na sayaw sa mga love songs ng Carpenters.
Lumipas ger ang tatlong oras, “You should be dancing” ang tugtog …parang pinatamaan ako ni Barry Gibb…Sabi ko sa sarili ko, sa susunod na tugtog, talagang sasayaw na ako, determinado na, itinaas ko ang aking kamao ko at sabay sinabi ko, “sasayaw na ako!”
Hayop sana ger!, inanounced na cha-cha ang susunod na tugtog, requested daw ng mga titser. Ang nasa isip ko, hindi ako marunong nito. Pero, bahala na, paabante at paatras lang naman ito.
Dali-dali akong tumawid sa dance floor. Nang inaabot ko na ang kamay ko sa crush ko, biglang inanounced ulit na para lang daw sa mga titser at last dance na.
Kainis! hinayang na hinayang ako ger. Abot-kamay ko na ang kamay niya, biglang lumaho pa. Biglang gumuho ang mukha ko. Hiyang-hiya ako sa kanya, feeling ko naghinayang din sya. Ngunit, wala na akong magawa. Dahandahan akong umatras papalayo sa kanya habang naririnig ko ang cha-cha ng orchestra ni Anastacio Mamaril.
Sa kahinaan ko ger, inabot na ako ng closing ng prom. No’ng tiningnan ko ang bulsa ko, wala kahit isang palito. Si Antonio, ang itim ng bulsa dahil sa pulburang nabasa ng pawis nya, ang yabang, kantyaw ang inabot ko sa kanya. Ang lungkot ko ger, di ako makakibo, nanikip ang dibdib ko, parang pagsasampalin ko ang mga pisngi ko. Ang sabi na lang ni Antonio,
“Meron pa naman next year, Don, doon ka na lang bumawi kapag senior na tayo”…grrrr, kainis!!!.
Ang hambog niya, isa lang naman ang isinayaw niya, Si Remedios.
Noong makauwi ako ger sa bahay, galit na galit ang tatay ko,
“Nasan na ang panghaplas ko? Dito ko lang nilagay yun”
Pasigaw na tanong ng tatay ko. Naalala ko bigla, kinapkap ko sa bulsa ko at nilabas ko agad,
“eh ito po ba?” . “Hayop kang bata ka, kanina pa ako naghahanap nyan, ang sakit-sakit na ng rayuma ko”…”Di mo ba alam na tinunaw na alkampor yan at pinatuluan ng White Flower!” “Ginawa mong pabango at dinala mo pa!” Kaya pala parang imbalmasado ang amoy mo!”
Akala ko ger Brut kasi doon nya nilagay.
Hayyyy ger, pagminamalas ka talaga!!