
Laking tuwa ni sweetie ng malaman na tapos ko na. Nagtatatalon sa tuwa, may pagka OA, akala ko magbigay siyang pang pa-frame. Yun pala hindi, kala ko natuwa sa ganda o’ sa na-achieved ko. Wala na daw akong ginawa kung hindi mag-puzzle. Hindi ko daw sya pinapansin, lalot di nya daw ako mautusan, pagnakaupo na sa trono, walang ibang pansin ang babaeng binubuo. Ang hinihimas ko daw ang puzzle all the time, sya daw once in a blue moon na lang. Tumataas daw kuryente, dahil inaabot alas dos ng gabi, puera pa nyan kailangan ang dalawang ilaw dahil humina na din ang mga mata, ang sabi nya…ayan kaka-puzzle mo yan, drug-adik sa puzzle.

Minsan, muntik ng maputulan kami ng kuryente, kasi yun pang bayad sa ilaw ay naibiling puzzle na kamahal-mahal. Sa laki, 8000 pieces kasi, lahat ng lamesa ay ukupado na, yun dining na pang-animan, drafting table ni Ninay at office table, lahat napuno ng puzzle. Kung hindi ko nga pinatong-patong, pati yung mga side tables sa sala ay mauukupa na.
Kaya’t kami kung kumain, ay kanya-kanyang puwesto, karaniwan hindi sabay-sabay dahil walang lugar. Nagkalat ang mga piyesa dahil sa mga nalalaglag, maingat ka dapat magwalis baka may makasamang pieces. Pagnawalan, lagot ka, siguradong may tama ka. Kahit saan sulok ka lumingon, puzzle ang nakasabit sa dingding. Sa CR makikita mo ang malambing na mukha ni Marilyn Monroe, kaya’t ang sabon, nauubos agad sa kasasabon.

Pagkagaling opisina, matapos kumain, puzzle na. Sabado’t linggo kasama ang mga piyesta, maghapon at sa gabi puzzle. Buti na lang ang daming disturbo, yun pagbubuo pansamantalang naaatraso. Kaya’t nga inabot ako ng sampung buwan sa 8000 pieces na iyan.
Di naman talaga araw-araw kasi panay ang utos ni sweetie, sinasadya kapag nakaupo na ako. Siyempre hindi naman tayo nagpapabaya sa iba, sa katunayan, ang dami pa din nagagawa. Kumain ng tatlong beses sa araw-araw at tumai, ay di ko naman pinapalampas, pagnasa trono, ihi lang ang pahinga.

Sa akin, mas mainam ang puzzle kaysa sa ibang paglilibangan, bisyo puede mong makalimutan. Dapat talaga may tiyaga ka nga lang. kailangan ang mahabang pasensya at oras. Di ka daw magkakasakit ng alzhiemer’s desease kapag puzzle-adik ka, Yun pasensya mo, matesting kung hangan saan. Mag-umpisa sa malalaking piyesa hangan sa maliliit, sa kaunti hangan sa madami. Nag-umpisa sa 500-piece hangan sa 8000 pieces, ang bagong chalenge ay 9000 pieces. Mahigit isang taon na, marami na akong nabuong iba, hangang ngayon wala pa ako sa kalahati. Kailangan ang tiyaga dahil mahirap. Di rin ako maka-concentrate ngayon dahil sa mga bagong pagkakaabalahan, na mas importante sa buhay ko ngayon. Ganun pa man sa paunti-unti, unti-unting nabubuo. Siguro pagnakabuelo, palagay ko mabubuo.

Ang Jigsaw Puzzle ay nag-umpisa sa London, tinawag itong jigsaw, kasi jigsaw ang pang putol noon sa manipis at matibay na kahoy. Ngayon karton na ang karamihan na ginagamit kasi masmadali. Ang puzzle ay ginamit din sa simbolo ng Autism, dahil sa pagiging “puzzling” at “incomplete”daw. Subalit ito’y prenotista, kasi di naman daw ang autistic, ay puzzle, o kaya’y kulang-kulang na dapat buohin. Tama nga naman, kahit may disability ka, hindi ibig sabihin may kakulangan sa pagkatao mo, kailangan lang turuan o kaya’y gamutin gaya din ng pangkaraniwang tao.

Alam niyo ba na ang Guinnes world record holder na may pinaka malaking jigsaw puzzle collection ay isang pinay, si Georgina Gil-Lacuna. Pero kamakailan lang ay namatay sa atake sa puso. Siguro dahil wala na siyang exercise, hulin nabuo niya ang world biggest puzzle, 33,000 pieces lang naman.

Ang bawat piyesa ng puzzle ay para din prayer, parang rosaryong paulit-ulit. Kung meron kang gustong makamit, kailangan magtiyaga kang manalangin at alamin mo ang eksatong gustong makamit. Ang puzzle mabubuo sa paisa-isang paghanap ng piesang naaakma, hangang sa mabuo, hangan makamit mo ang biyayang inaasam-asam.
Ang Puzzle ay parang buhay, madali sa umpisa, humihirap sa kalagitnaan at nagiging madali sa katapusan. Ang buhay, kapag bata ka pa, magaan, walang masyadong inaalala. Kapag nasa edad kalagitnaan, dumadami ang resposibilidad, dumadami din daw ang problema’t pagsubok. Ngunit ang kahirapan at ang mga pagsubok ay naaalpasan. Di ba nandiyan ka pa naman? Gaya din ng puzzle, mabubuo mo din pagmay tiyaga nga at husay. Pagkatapos nyan ang ginhawa sa pakiramdam at buhay ay makakamtan…gaya ng puzzle kapag kaunti na lang ay pasil na, yun galak nandyan na.

Ang puzzle ay gaya din ng pamilya, Hindi pueding may mawala. Kapag kulang na, siguradong malulungkot ka. Hindi puedeng may mawala kasi kahit anong sabihin mong nabuo mo yan, kapag kulang ay talagang di mo masasabing nagawa mo. Gaya din ng pamilya, di mo matatawag na tahanan kapag may nawawalang isa. Bawat piyesa ay mahalaga, gaya din ng miembro ng pamilya. Kayat dapat na hanapin mo.
Bawat isa ay may kanya kanyang hugis at kulay, bawat miembro ng pamilya ay may ibat-ibang pag-uugali at itsura, maynakakalito at may madaling pakisamahan. Pero kapag nagsama sama, nagkapit bisig, ano man dumating na unos ng problema ay di matitinag. Ano pa kaya kung iyong ididikit? eh di lalong maprepreserve, gaya din ng pamilya, kapag may pagmamahal sa isa’t isa…siguradong tatagal ang pagkakaisa…ang puzzle na nasa kuwadro, ang pamilyang sama-sama, pagmasdan mo… nagniningning.

* Ang “Pasil” ay bikol na salita na ang ibig sabihin ay madali.

Si Marilyn at ang kanyan nakakaakit na mga ngipin. (300 pieces)
Gabing maraming bituin ni Vong Gogh 1,500 pieces)
Peping’s toy balloon (300 pieces)
Traffic din sa kanila at mausok (500 pieces)
Mga bata pa sila pero ang aarte na! (1,000 pieces)
Doon po sa amin…(100 pieces)
Naalala ko minsan, pagkatapos maglaba, magplantsa naman (1,000 pieces)
Mag-isa sa dalampasigan (1,000 pieces)
Laban para sa bayan (3,000 pieces)