Vanessa

Si Vanessa ay bagong lipat sa kapitbahay namin. Dumudungaw tuwing dumadaan daw ako. Nasusulyapan ko nga din siya paminsan-minsan. Kasama ang kanyang ina, sila ay mga dayo sa aming lugar para mag-aral.

Nangungupahan ang mag-ina sa antigong bahay sa Barlin na parang panahon pa ng mga kastila ang estilo. Sa pasukan meron dalawang pahabang padir na upuan, nagiging tambayan sa gabi. Dalawang palapag ang malapalasyong bahay. Sa ibaba, nakatira ang mga kaibigan kong tunay. Sa itaas naman karamihan mga estudyateng babaeng nangungupahan. Mga luma ang mga kasangkapan.  May malalaking bintana, kapag nasa loob ka, kitang kita mo paglumingon ka sa kanan ang tindahan namin. Halos araw-araw doon ako nagtatambay, minsan sa gabi sa labas ng bahay, nag-iinuman. Lagi kaming maingay, maiinis ka kapag nasa itaas ka nakatira, dinig mo ang biruan, kantiyawan at kantahan.

Si Vanessa ay may itsura. Naaalala ko pa ang magandang ngiti niya, dahil sa magandang mga ngipin at mga dimples na lumalabas. Hanggang dibdib ang buhok, morena, at ang kinis. Matangos ang ilong, pinaghalong kano at pinoy, englisera. Masasabi ko na nakakaakit sa mga lalaki. Kasi yun mga katambay ko ay nabibighani. Pero, parang hindi siya ang tipo kung babae. Hindi ko siguro mapapansin, kung hindi sa mga kantiyaw ng mga barkada ko. Dapat pinay na pinay!  Iba ang taste ko, maputi din dapat. Hindi kagandahan ang hugis ng mga legs nya, na isa pang katangian ng babae na gusto ko. Kapag maganda ang legs talagang napapalingon ako.

Wala pa ako noong kasintahan, kaya’t atat akong magkaroon, wala pang karanasan sa kiss at ako, never been kissed. Gusto ko ng magka-GF. Sila meron na, ako wala pa, napag-iiwanan ako sa kangkungan. Marami akong pinupuntirya na mga ka schoolmates, pero walang chance na makilala sila. Wish ko, sana meron nang FB noon para madali makipagkilala. Sobrang mahiyain ako, walang ilong, ‘ika nga.

Minsan itsinismis ng katiwalang si Segundino sa mga taga ibaba na crush daw ako ni Vanessa. Di ko siya masisi kung magkacrush siya, maytaste ang babae. May kayabangan din ako paminsan-minsan. Dahil sa pagkacrush, kantiyaw nila sa akin ang ligawan. Noong malaman ko, ako naman kinilig at nag-isip. Ano kaya? Magiging karibal ko, kaibigan ko?

Si Vanessa ay meron pang isang masugid na manliligaw. Mas matanda sa akin at malapit ng magtapos ng pag-aaral. Matino, masigasig mag-aral, hindi manginginom at mucho-deniro. Dahil diyan, Nakuha niya ang kiliti ng nanay ni Vanessa. Masasabi kong ang laking lamang sa akin at tingin ko, kahit sa nanay. Ang lamang ko lang siguro ay ang magkacrush ang anak niya. O’ kaya, lamang ako ng isang paligo. Close din ako kay Masugid, kasi sa likod lang ng tindahan namin nakatira. Parang deadma lang na magkaribal kami. Hindi namin pinag-uusapan ang tungkol sa isang babaeng ito at ang pangliligaw.

Dahil sa kantiyaw ng mga katambay ko, unti-unting napipilitan ang maginoo. Sabi ko nga ipapaubaya ko na lang sa pinsan ko. Ang sabi nila naman…Hindi pa naman sinasagot siya. So, malaki daw ang tsansa ko. Crush ka niya! Giit ni Generoso. Kaya’t araw araw ako ang napupulutan kahit hindi nag-iinuman. Parang hindi na din mawalay sa isip ko. Tuloy bawat daan ko sa tapat ng bahay nila, pinaigting ko pa ang pagpapa-cute. Makalaglag na ng panty. Walang labahan, suot ko palagi ang Levi’s ko.

Minsan nag-iinuman kami, napilitan na ako. Sabi sa akin ng katagay kong si Francisco…tayong dalawa ang pumanhik, sasamahan kita. Kwentuhan lang tayong tatlo, para lang makaumpisa ka. Sabi naman ni Segundino…tamang-tama, wala pa naman ang nanay niya. At na-challenged nga ako, pumanhik kami. Di pa naman kami lasing, pero nangangamoy na ng gin. Buti na lang may snow bear ako. Pinagulong-gulong ko sa bibig at nag-exhale-inhale para mawala ang amoy gin ko.

Pinapasok kami ni Segundino at pinaupo. Tinawag niya si Vanessa at ilang sandali pa, lumabas. Tumayo kaming sabay at nag-good afternoon. Umupo siya sa harap namin. Sabi ni Francisco, “Puede maki-CR?” “Oo naman”, wika ng dalaga. Pinasamahan kay Segundino. Panay ang lingon ko sa CR, ilang minuto na, wala pa din ang chaperon ko. Yun pala, tumakas na.  Pinagpapawisan ako, di ko alam ang panimulang sasabihin. “Nakakatakot ba ang bahay, kaya’t di ka makakibo?” Tanong ni Vanessa. Ang sabi ko naman “ah, hindi”. At doon umikot ang usapan namin. May multo daw sa bahay na ito. Kasi ang laki at puro antigo ang gamit. Habang tumatagal, hindi na ako nahihiya sa kanya. Kaya lang nakakatindig balahibo ang mga kwento niya. Enjoy din kami, kahit horror ang kwentuhan namin. Hangat sa magpaalam na ako.

Pagbaba ko, nagdiwang ang grupo. Sa susunod daw ako na lang mag-isa. Patuloy ang inuman, kantiyawan at kantahan sa ibaba. Ang iingay!!!

Da next day, inspired na ako. Gusto ko na sana pumanhik, kaya lang naunahan ako ng karibal ko. Nandon din ang nanay niya, nakikihalubilo. Da next day ganon pa din, alas dos nandon na si Masugid. Ilang araw palaging huli ako. Mag-one week na din at na mimiss ko na ang usapan namin. Nakakausap ko lang kapagbumibili siya sa tindahan at sandali lang. Tumatagal lang kapag hindi ko tinatangap ang bayad. libre na yun asukal at kape. May dagdag pa ng isang supot na galletas. Naging madalas ang punta niya sa tindahan, hindi ko lang alam kung dahil sa akin o’ sa libreng bibilhin.

Hanga’t sa maka-timing ako, wala din ang nanay niya. Umupo kami doon sa malapit sa bintana. Natatanaw niya ang tindahan namin. Hindi pa kami tumatagal, sabi niya sa akin…”parating si Masugid, halika doon tayo sa kusina”. Bilis kaming tumakbo paalis. Pinatago niya ako sa kwarto ni Segundino na ang dingding maraming butas. Kumakatok sa main door. Papalakas ng papalakas. Alam niya na nandon si Vanessa. Hindi siya pinagbubuksan. Pinahiga nya ako sa kama para hindi ako makita sa mga butas ng dingding at siya naman umupo sa tabi ko. Kinakabahan ako, nakadikit ang puwet niya sa kamay ko. Gusto ko sanang hawakan siya sa likod at yapusin, pero di ko magalaw ang kamay ko. Naninigas sa kaba. Hangat tumigil ang katok sa pinto. Nasilip ko pababa na si Masugid. Humarap si Vanessa sa akin, tinitigan niya ako. Akala ko hahalikan niya ako ng dahan-dahang yumuko siya. Yun pala, pabulong na sabi niya…labas na tayo, punta tayo sa sentro, baka madatnan pa tayo ng nanay ko. Ramdam ko ang kanyang maligamgam na hininga sa aking tainga, dumikit ang mga labi nyang basa, ang sarap pakinggan. Bumangon ako ng dahan dahan at katabi ko na siya, dumikit ang aming mga kamay, kinikilig ako. Ngunit, dali dali niya ako kinabit papatayo at lumabas ng kwarto. Bumaba kami  sa likurang pinto, para hindi kami makita ni Masugid. Sa isip ko, ang torpe mo noy!

First time ko na makasama siya sa kalye. Ang init ng panahon, alas dos. Gamunggo ang pawis ko. Pero kahit na mainit, nag-eenjoy ako. Nag-uusap kami habang naglalakad, hindi ko namalayan, malapit na pala ako sa gutter ng kalye, nahulog yun paa ko, muntik na akong matumba. Buti na lang, nahawakan ako ni Vanessa. Nakakakilig ang hawak na mainit. Hindi ko pansin ang sakit sa paa ng pagkakahulog. Lusot sa putik ang rubber shoes ko na converse. Hay katangahan! Nasa danger side pala kasi siya, ako ang nasa outer side ng kalye. Nawala sa isip ko ang pagka-maginoo. Nalaglag tuloy ako sa gutter!

Alam na ng nanay ni Vanessa na nag-aakyat-ligaw ako. Siguro dahil sa mga kasama nila sa bahay o’ kaya’y sa ingay ng kantiyawan namin sa ibaba. Nakakatunog na din, kasi kapag nasa tambayan ako, si Vanessa ang pinag uusapan.

Ilang araw din ako na hindi nagkaruon ng pagkakataon na makapanhik. Sabi nga…pag may tiyaga may nilaga. Hinintay kung malapit na magsunset. Nabakante din, kaaalis lang ni Masugid. After 30 mins. Umakyat ako. Umupo ulit kami malapit sa bintana. This time dungaw ko ang aming tindahan, siya sa harapan ko, nakatalikod siya sa quarto nila.

Di pa umiinit ang puwet ko sa aking pagkakaupo. Nagclick ang main door, bumukas ang pinto. Dumating ang nanay niya. Tumayo ako at sabi ko agad…”good afternoon po” Biglang nagbago ang mukha, from sungit to galit. Hindi niya ako pinansin, sumimangot at biglang binuksan ang pinto ng kwarto nila at isinarang pabalibag. Nagulat si Vanessa. Wala pang isang minuto, lumabas ulit at ibinalibag ulit ang pinto ng Kwarto. Hindi nagsasalita, dumiretso sa main door at binuksan at sabay ibinalibag na malakas. Doon ko nalaman na pinalalayas nya na pala ako. Bumalik ulit siya sa kwarto at ganun din ginawa nya. Lalong nilakasan pa ang pagsara, parang magiba ang dingding, yumanig. Nakita ko si Vanessa, lumuluha na. Dinig ko ang kalabog sa loob ng kwarto. Naiimagin ko na nagsisiliparang mga gamit nila sa loob, parang isang scene sa Exorcist. Wala akong magawa kundi ang payukong lumabas…sabi ko, alis na lang ako Ness.

Pagbaba ko, sinalubong ako ni Generoso, Francisco at Bartolome “Anong ingay yun? Tanong nila. Ang sabi ko na lang…”totoo ang kwento ni Segundino, may multo nga!” Hindi na ako nagpapigil, agad umalis ako. Ramdam ko pa ang mga kalabog ng pinto sa dibdib ko.

Makalipas ang isang araw, sinulatan ko si Vanessa. Hindi ko na ma-recall kung anong laman. Pinagtulungan namin sa ibabang gawin. Bawat daan ko sa tapat nila, nasa bintana ang ina, nakangiti, parang nang-iinsulto. Sabi ng kaibigan ko sa itaas na ka dorm mate nila. Ano ba yun sulat mo? Lalo ka lang napasama. Mali-mali ata ang spelling at grammar, ilang tao na kaming gumawa, mga lasing kasi.

Magpapasko, bumili si Vanessa sa tindahan namin. This time, tinanggap ko na ang bayad. Sabi nya sa akin papunta sila sa Maynila. Binigay sa akin ang address niya. Doon daw sila magpapasko. Noong ilang araw na lang bago ang pasko, pumunta ako sa RCPI, para magpadala ng social telegram. Isinulat ko yun address na binigay niya at pumili na din ako ng message na pampasko.

After one week, nasa tindahan ako, nandon din ang tatay ko. Tamang tama, si Masugid nandon din, bumibili. May dumating na nakamotor at may hinahanap, messenger ng RCPI, sabi niya. “Dito po nakatira si Adonis?” “Ako po” Yun social telegram na pinadala mo kay Vanessa Walangmana ay hindi nadeliver, wala daw Vanessa sa address na yun. Tinginan sa akin ang dalawa, ngunit pasimple lang ako, parang wala lang. Pero sa loob ko hiyang hiya ako kay Masugid. Nalaman tuloy ng tatay ko na nililigawan ko si Vanessa. Laging libre pa naman siya. Baka natanggap ng nanay niya ang sosial telegram ko, sinabi na lang na walang Vanessa dito. Naintindihan ko naman ang nanay niya…walang siyang magandang future na nakikita sa akin.

Ilang taon pa ang dumaan, nabalitaan ko na lang si Vanessa at Masugid ay masayang nagkatuluyan.

Pagbubulay-bulay

Paghindi talaga saiyo, hindi saiyo. Huwag mo na ipagpilitan, meron din nakalaan na para saiyo. Meron naman mga pahiwatig o’ indikasyon na di talaga kayo para sa isa’t isa, kailangan lang ang pang-uunawa. Ang nanay ay magaling na indikasyon kung ikaw ay para sa kanya. Kasi kung ayaw saiyo pero nagkatuluyan kayo, siguradong ang hirap makibagay sa biyanan. Sa huli makikita mo naman, na tama din lang ang nangyari. Naging maganda ang buhay nila at palagay ko gaya din saiyo na natagpuan ang tunay na pag-ibig sa iba.

Pero, meron nga din naiiba, kahit na hindi para saiyo, nakukuha na din lang sa mahabang pasensya, tiyaga at ang nabuong pagmamahal sa isat-isa. Isipin mo lang lagi na ako para saiyo, at ikaw ay para sa akin.

Epilog:

Ang kuwentong ito ay iniaalay ko sa mga tunay na kaibigan ko na nakatira sa lumang bahay, na kapaglasing ako, doon muna nagpapalipas ng oras at doon na din laging lumalasing, si Generoso, Bartolome, si Segundino, si Francisco Jr., si Pareng Gang, pareng Alex, pareng Orly at si Nonoy Tangkad… nakaka-miss na bahay.

https://jacberinguela.files.wordpress.com/2019/10/img_5174.jpg

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.