Ikalawangtaonkosahayskul

Pangalawang taon ko na sa UNC. Medyo nagbibinata na ako at biglang tumangkad, halos kasing taas ko na ang tatay ko. Section C ako, tumaas ng 3 sections. Nagkahiwa-hiwalay na kami, bagong kaklase at bagong kaibigan. Si Virgilio (Pascual) at Bernardita (Borja) nasa Section B. Halos na natatanaw ko lang naman sila sa kabilang pintuan. Si Arnel (Barrion) at Armando (Libutan) sa section A, si Joeport (Porteria) at Bobby (Calinog) sa section D at yung iba naman nagkalat sa ibat ibang section pa. Ang aming room ay sa Engineering Building sa ground floor. Pangatlo galing sa dulo.

Phylum Chordata

Ang aming adviser ay si Mr. Isidro Garay, siya din ang teacher sa Biology. Medyo tagilid kung maglakad, may deperensya siguro ang vertebra nya. Dahil siya ang adviser, first hour in da morning ang nakakakaba. MWF recitation lagi, halos walang makasagot sa mga tanong niya. Magaling naman si Sir, pero hindi ko lang gusto ang Biology, kaya’t tamad akong pag-aralan, lalot na ang kapal ng text book. Halos lahat ay natatamimi sa tanong nya. Kung hindi nga lang class adviser baka ginib up nya na ang klase. Parang walang nag-aaral. Ang hirap imemorya, phylum chordata lang ang nanuot sa utak ko, hangang ngayon memoryado ko, pero hindi ko alam kung ano ito.

Si Maribel (Araguirang) lang ang masipag sumagot noon, walang tanong sa kanya na pinalampas niya. Panay ang hands up sa lahat ng subject. Palagi naman tama, pero may sablay din. Nagsasawa na nga ako minsan makinig, kasi nakakainggit, hindi mahiyain, kahit na mali, ok lang kay sir, nakakahalata na akong may peboritisim si sir. Mahaba kung sumagot, mapapa ha? ka minsan o’ ano daw?

Sa isang oras, iniisa-isa ni Garay na tawagin, nahirapan ang buong klase, walang interes sa lesson nya, walang tumataas ng kamay kundi si Maribel. Alangan naman si Maribel na lang ang parating tawagin. Kapag tinawag si Venus (Baduya), asahan mo si Adonis ang susunod, lalot na kapag sablay ang sagot niya, ako ang tagasalo. Buti na lang nahuhulaan ko. Ganun din, kapag ako ang tinawag, si Venus naman. Parang lab team kami sa Biology. Minsan parihas kami sablay…si Maxilinda (Dela Cruz) ang taga salba. Mabuti na lang palaging to the max si Linda, alisto nabubulungan ng katabi na may hawak na libro.

Usad Pagong

Si Mr. William Kalaw naman ang titser namin sa Philippine History, isa sa favorite na subject ko. Magaling magturo at malakas ang boses. Gaganahan ka makinig, nagiging exciting ang oras sa subject. Minsan kumuha siya ng mapa ng Pilipinas. Sabi nya, alam niyo ba kung bakit mabagal ang pag-unlad ng ating bansa? Idinikit niya sa blackboard ang mapa. Gumuhit siya sa mapa, umpisa sa Aparri, sinundan nya ang labas ng nasa gilid na mga isla ng Pilipinas hangan Jolo at itinuloy niya papuntang Palawan at nagtapos din siya sa Aparri. At sabay nagtanong,

“class ano ito?” “Pagong Sir!”…Sigaw ng karamihan.

Pagkalipas ng ilang taon, ang dating historian ay naging ahente ng Coca-Cola. Siguro, usad pagong ang kanyang pag-unlad kung mananatili siyang titser. Minsan nagdeliver si sir sa tindahan namin, ang sabi niya na lang noong tinanong ko siya, kung bakit nilisan niya ang pagka-titser,

“&@%#$¥€, Noy, da rest is history”

Malaki ang pangangailangan niya daw (kaya pala puro symbols ng pera)

Pinunit at ipinuslit

Sa Science subject, astronomy. Meron project na mag-submit ng mga pictures at articles ng mga spaceships at satellites. Hirap hanapin nito sa dyaryo at sa mga magazines. Sa dyaryo bihirang bihira ang news na ganyan, lumalabas lang kapag may ipinalipad na Apollo ang NASA. Buti na lang meron kaming kapitbahay na librarian sa Naga Public Library. Sinabi ko sa kanya kung puede mag-research tungkol sa mga spaceships. At humingi na din ako ng mga clippings tungkol doon. Pinapunta niya ako sa library. Pinapasok ako sa bodega at doon ako nag-ukay-ukay. Maraming World at Reader’s Digest at maraming article tungkol sa mga spaceships. Dahil mga luma na, at puro alikabok, naisipan kung punitin ang ilang mga pages, bawat page, sinuot ko sa loob ng patalon, naiipit ng brief.  Hangang sa nahirapan na ako sa kapal ng nakuha ko at nangangati. Pasimpling lumabas ng bodega at matagumpay na naipuslit ko.

Kinabukasan, nai-kuwento ko sa ilang kaklase at pinakita ko, inggit na ingit sila. Kaya’t niyaya nila akong pumunta ulit sa Library. Hinalukay namin buong bodega at mga pasimpling mga lumabas. Hangang sa nagkakwentuhan na, kaya’t ang ibang section pumunta na din ng Library para maghanap.

Noong submission na, pagandahan ng mga album at pakapalan. Mag umpisa sa eroplano ng Wright Brothers, Sputnik, Soyuz hanggang sa mga Apollo meron. Yun iba mas magaganda pa at mga colored. Nong lapitan ko, hinipo ko ang papel, maninipis at madudulas. Naalala ko yung mga pictures sa mga mamahaling encyclopedia, Britanica at Colliers na hinayang na hinayang akong punitin.

Maitim naman at kapayat-payat

Si Mrs. Buenafe ang aming titser sa Literature. Hindi ko na masyadong matandaan kung Buenafe sya o’ Buenaflor. May itsura si ma’am, maputi at may malalim at magandang mata. Noong magpakilala isa-isa, nakatayo ako, sabi niya sa akin,

“Alam mo ba ang ibig sabihin ng Adonis?”

Umiling ako, hindi ko naman talaga eksaktong alam. At nagpatuloy siya, usually daw, mga English tetsir ang nagbibigay pangalan ng Adonis “ang nanay mo ba titser?” Umiling ulit ako. Ang Adonis daw ay isang character sa Greek Methology na isang makisig at magandang lalaki. Parang lumaki ang mga tainga ko, sabay na mahambog na tingin sa mga babae. Tinitigan ako ni ma’am ng maigi from foot to head at hindi kumibo, tumalikod na naka ngiwi at sabay “next”. Yumuko ako at tiningnan ko saglit ang aking sarili, from foot to dibdib…ang itim at kapayat-payat ko naman.

Magmumukhang mayaman at matatalino

Meron nagdemo ng mga mamahaling libro sa klase namin at kinuha ang mga pangalan ng mga estudyanteng interesado. Pagkalipas ng ilang linggo, may pumunta sa bahay namin na ahente ng Grolliers Encyclopedia. Ang sabi ng ahente, “si Adonis po ay napili namin para tumanggap ng isang libro na compilation ng mga importanteng nangyari noong 1972”. Kadideklara lang ng Martial Law noon at sa taon din yun gumuho ang Kulgante Bridge, kaya’t magandang magkaroon ng librong ito. At nagpatuloy ang ahente, “Isa po siya sa iilan lang na napiling matatalinong estudyante na deserving tumanggap ng librong ito”. Three inches ang kapal ng libro, mukhang nakakaakit na basahin. Tuwang tuwa naman ang tatay ko at nag-isip. Hmmm, matalino pala si Adonis? Hindi pa natatapos mag-isip ang tatay ko sa duda niya. “Subalit!!!” pasigaw na sinabi ng ahente, “mapapasakanya lang ang librong yan kapag bumili kayo ng 24 volumes na encyclopedia”. Kamot ulo ang tatay ko. At sabi pa ng ahente, “Magmumukha kayong mayaman at matatalino kapag merong naka display na encyclopepedia sa bahay niyo.” Napatango ang tatay, parang bibigay na. “Isa pa, peborit ni Adonis ang Biology, so mas makakapag-aral sya ng maigi” napanganga ako sa sinabi ng ahente. Dahil sa tagal na pangungulit ng ahente at katakot-takot na papuri sa anak niya, napilitang bumili ang tatay ko na kamahal-mahal at ilang taon niyang huhulogan.  At nakiusap ang ahente na dapat i-display para na din daw tulong sa pagpromote ng Grolliers.

Nagpagawa nga ng narrang estante ang ama ko. Makalipas ang ilang buwan, nakadisplay na nga lang, walang nagbabasa at nag-iipon ng alikabok.

Apol of the Eye

Iba na ang apol of the eye ng section ko. si V, sosyal ang dating, parang mahinhin, hindi palakibo. Medyo tagalog, nahirapan tuloy ako makiusap. Hindi rin siya makasagot sa mga tanong ni Garay. Pero, meron din akong sinusulyapan sa dulong room. Minsan nong nasa labas ako, dumaan siya, nagkatitigan kami, dama ko na ang mga titig niya ay may ibig sabihin. Kaya lang wala pa sa isip ko at strik ang parents ko. Nakakalibang na si Virginia (Mejia) na pagmasdan. Ako naman masaya na sa patingin tingin lang.

Tuwing sabado, meron gardening, inbes na magdamit na panggarden, naka pang party, medyo high heels ang sandals, magbubunot lang ng damo, Doon lang kasi nakakaporma ang mga estudyante, sa buong weekdays naka-uniform. Kami naman mga lalaki natutuwa sa harden, lalot ang crush mo nakaporma.

Umikot sa Sentro

Ganun pa din kami, basketball ang libangan. Kapag walang malalaruan sa UNC, sa likod ng Ever Emporium ang dinadayo. Yun may ari na insik ang panay kalaro. Laging naka-short na puti, walang ipin. Si Arturo (Bare) at si Romeo (Petiro) ang palaging kasama ko. Dalawahan lang lagi. Kapag wala siya, ikot sa centro ng naga para manood lang ng sine, kartel lang pala.  Uumpisahan namin sa Bichara, El Rey, Vic, tapos Alex hanggang Emily, tapos uwian na.

Mga Kaklase: Arturo Bare, Romeo Petiro, Venus Baduya, Maribel Araguirang, Virginia Mijia, Maxilinda dela Cruz

One Comment Add yours

  1. thebookweirdo ay nagsasabing:

    Nakakatuwa namang basahin ‘to!

    Like

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.