Bumaba ang aking section ng isa. Ito’y marahil sa mababa kong grade sa Biology. Section D, okey lang naman kasi D as in Dunong naman daw, hehehe. Ito ang kagandahan ng paiba-iba ng section, kasi dumarami ang kaibigan mo. Bagong grupo, bagong kasiyahan, bagong samahan. Kaya lang dapat pataas sana, hindi pababa.
Ang aming room ay nasa Alba Hall, pang apat na pintuan galing sa High School Building at malapit sa Student Pavilion. Kapag recess, ilang lakad lang nasa pavillion ka na. Kapag late ka naman, sa pavilion ka na lang magpalipas ng isang subject.

Talagang teenager na ako, kasing tangkad ko na ang tatay ko. Ilang beses na din kami naiinbita sa mga party. Lalong excited kasi darating na ang JS Prom, umaasa na masayaw ang crush ng bayan. Sa taong ito, ako nakatikim ng alak at sigarilyo. Meron na ako noon mga kaklase na madalas umiinom at naninigarilyo, talagang mga pasimuno sa kalokohan. Mga namumuno sa klase, maiinpluwensya ka. Puro lang naman patago, siyempre wala naman basbas pa ng mga magulang. Kadalasan Marlboro o’ kaya’y Philip, pagHope, parang baduy. Dahil may tindahan kami, ang sabi ng nanay ko may ibig sabihin daw ang Marlboro, Men Always Remember Ladies Because Of Romance Only at ang Kool daw, Kiss Only On Lips. Hindi naman naninigarilyo ang nanay ko. Feeling sikat kapag pasimuno ka sa maagang bisyo. Pero dapat lang na maingat dahil nakaabang si Anto.
Minsan sa isang subject, ang bawat sections magtatanghal ng mga Filipino Traditions. Ang section D magpresent ng pasyon. Sa pasyon habang nagpapabasa, para tumagal daw sa magdamag, may kainan at may inuman. Habang abala ang mga na-assigned sa pagbabasa ng bibliya, kami naman doon sa nag-iinuman. Yun pagkain puro props lang, pero yun inumin ay tunay na Ginebra, di halata parang tubig. Kaya’t nagkaroon ng feelings ang palabas. Noong matapos, ang mga lalaki nangangamoy at namumula, biglaan ba naman inubos ang dalawang bilog.
Si Anto
Si Mr. Juan de los Santos, ay registrar ng eskuwelahan, kung tawagin ng mga estudyante ay Anto, pinaikling Santos. Kinatatakutan, malayo pa naaamoy na ng mga estudyante. Kung di ka kayang makuha sa tingin ng tatay mo, tititigan ka lang at itataas-taas ang kilay, siguradong ikaw ay lalakad na ng papalayo. May lakas si Anto na di ko din ma-explain. Siguro kasi may-edad na din kaya’t hindi makuhang patulan ng mga estudyante na pagbalakan ika nga ng masama. Mas napapansin na namin si Anto, kasi malapit na kami sa mga kalokohan. Kapag mahaba ang buhok mo, gunting niya ang katapat, siguradong mahihiwalay ang patilya mo. Sa vandalism pabubura o parerepair saiyo, sa paninigarilyo at inom patatawag ang magulang mo. Kapag panay absent mo, mahihirapan ka kumuha ng excuse slip. Suspendido o kaya’y papatalsikin ka sa eskuwelahan kapag matindi ang kasalanan. Siya ang Hitler ng mga suwail na estudyante, itinuturing na pangalawang tatay, kaya’t kampante ang mga magulang. Sa lahat ng ito, maraming kalokohan ng mga estudyante ang nakakalusot pa din.
Minsan si Bernardo (Nayve), nag-ala Da Vinci, iniukit niya ang apelyido sa sulatan, malaki at malalim ang pagkakaukit ng Nayve. Kami naman pasulat-sulat ballpen lang kung saan-saan. Ipinagmalaki ang obra, feeling sikat. Sa kasikatan niya nakarating kay Anto, naging Bernardo da Vinci, parang biglang bumalik siya sa wood working ni Mr. Pado. Pinag-karpenterong bigla, nagmasilya, pinagpapeldiliya at nagpintura.
Parang napaglilihian daw
Ang aming adviser ay si Mrs. Pasilaban, bagong kasal siya. Noong dalaga pa, ang bait sa akin parang peyborit niya ako. Noong maglihi, sus maria, ang sabi nila parang ako daw ang napaglilihian. Kaunting late, galit, panay ang tawag sa akin, eh di naman ako nag-aaral, kaya galit na galit. Parang ayaw ko na pumasok kapag late. Hindi ko siya maintindihan kung bakit ang sungit niya sa akin. Nung manganak, hindi ko naman ata kamukha, kasi nung bumalik, siya’y bumait.
Did you get it?
Si Mrs. Rances, ang titser ko sa Geometry, magaling magturo pero may kakulitan. Ang kapatid niya ay 2nd placer sa CE board exam. Pamilya ng matatalino sa math. Makulit kasi paulit-ulit ang tanong niyang, “Did you get it?” Bawat sentence niya nagtatapos lagi sa “Did you get it?”
Minsan pinagpupustahan na namin kung ilang beses niya sasabihin. Magaling siya magturo kaya lang hindi kami makapagconcetrate sa lesson kasi abala sa pagbilang. Kapag nahulaan mo kung ilan beses niya sinabi ang “Did you get it?” libre ang loglog mo.
Minsan tumatambay ako sa labas ng tindahan namin, Linggo yun. Malapit lang ang bahay nila sa tindahan namin. Dumaan si ma’am Rances galing sa simbahan at lumapit siya sa akin. Tinanong niya ako, “Bakit naman ang taas ng presyo mo ng gatas sa katulong ko? Yun tatay mo mas mababa ang presyo.” “Kasi kung 10% lang ang tubo niyo, saiyo 11.2% na, did you get it?”, 10 minus 11.2 equal negative 1.2%, did you get it?”, “yes ma’am. “Sobra ka ng 1.2% na tubo” “Did you get it? Dapat congruent kayo lagi ng tatay mo, did you get it?” “Yes, ma’am.” “So, next time ask your father, did you get it?” “Yes ma’am.” Binilang ko, lima agad na “did you get it?”
Kinabukasan, bumili ulit ang katulong niya, ang sabi sa akin, “sabi ni Ma’am Rances, dapat daw po yun presyo mo congruent sa tatay niyo, did you get it?” Napangek na lang ako.
Ang Koboy at Ang Palengkera
Minsan sa English subject, pantomime ang lesson. Ito’y isang palabas na puro aksyon lang, na sinasabayan ng musika at kadalasan nakakatawa. Nagbuong grupo si ma’am, lalaki kontra babae. Walang kaplano-plano kung ano ang gagawin. Naisipan ng grupo namin, cowboy-cowboyan.
Ang scene sa saloon, siempre si Adonis ang bida. Pagpasok ko, tinulak ko ang pintong di spring, biglang bumalik lumagabog sa dibdib ko. Tawanan ang mga nag-iinuman. Kunyari wala lang at dahan dahan ko ulit tinulak ang pintuan. Nung makapasok ako, tawanan ulit, tinuturo ang bota ko, nang tignan ko, baligtad, ang pang kaliwa nasa kanan. At di ko ulit pinansin, naglakad pa rin, kaya lang iniharang ang paa ng isa at natapilok ako. At doon nag umpisa ang suntukan. Nagpagulong-gulong ako sa sahig na ala-FPJ, para makaiwas sa suntok at sipa. Nang makabuelo ako pinagsasampal ko lang, nagsipagtakbuhan. Siempre, nagwagi ang bida.
Nang uwian na, pinagtatawanan ako, di ko maitago ang dumi pala ng likod ko at punit ang kilikili.
Ang mga babae naman, parang ang scene sa palengke.
Namamalengke kunyari si Lourdes (Aven), inaamoy-amoy, pinipisil-pisil ang isda. Ayun sa pagkakaintindi ko sa action nila, tinanong, tinawaran ng namamalengkeng si Lourdes, sabi naman ng tinderang si Evelyn (Duyan), “wala pa sa puhunan”, itinuro ni Lourdes yun kabila, “doon nga masmura at mas sariwa ang mga isda, “eh bat dika doon na lang bumili”, sagot na pagalit ni Evelyn at tiningnan nya ang isda at inamoy-pinisil, “Nalamog lang naman yan sa kapipisil mo at nangamoy sa kaaamoy mo.“Narinig ng kabilang tindera ang pagtatalo ng dalawa, “ganun din ang sinabi nya sa akin na masmura sa inyo” at yun nag-away-away sila, nagsisigawan na walang boses hangang sila ay magsabunutan, nagmukhang mga palengkera!
Pagkatapos ng presentation si Adonis ang itinanghal na best actor at si Lourdes ang best actress.
Minani yun exams
Mag-eexam noon, siyempre ang lahat abala sa pag-aaral. Isang araw bago ang exam, isang kaklase namin ang may kapatid daw sa principal’s office, nakapagpuslit ng test paper.
Pumunta kami sa bahay ng aming kaklase sa Lerma. Napuno ang itaas nila. Doon namin pinagsasagutan yung test paper. Si Antonio (Perez) ang nanguna sa pagsagot sa Geometry. Ang iba naman pinagtulong-tulungan ang ibang subjects. Sabi ko na lang, tawagin ako, kung meron silang di kayang sagutan. Hindi na nga ako tinawag, parang mga walang tiwala!
Kinabukasan, lahat may kodigo, kanya kanyang style kung paano itatago. Kapag may isa lang nahuli, palagay ko sasabit ang lahat. Meron may hinuhugot sa bra, meron naman binabaliktad ang laylayan ng palda. Nakatago sa medyas at sa tiyan. Meron idinikit ng bubble gum sa ilalim ng sulatan. Kapag nakuha na, ipinapaipit sa test paper.
Ako naman ayaw ko naman talaga magkodigo, kayat ang ginawa ko magdamag akong nagsunog ng kilay. Minemorya ko ang bawat sagot sa test paper, atleast nag-aral.
Matapos ang periodical exam, halos lahat ng section D ay matataas, muntik ng i-perpek ng iba. Yun D naging A. Kaya lang ang D na Dunong naging D as in Daya. Siguro pare-parehas ang mali, baka lahat puro highest. Kaya lang, ilang sa mga kudigo ay nakaligtaan, naisama sa test paper. Nabalitaan ko na lang, natanggal daw si Digung.
Faded na T-shirt
Noong panahon na yun, uso na ang Levi’s, pero ang dami pang peke. Sabihin mo lang ang sikat na tatak, 61071 will give you kadena. Yan ang commercial slogan ng sikat na patahian ng maong sa Naga. Mag-Levi’s, Wrangler o’ Maverick, sabihin mo lang, ang 61071 ibibigay ang etiketa niyan. Yung double knit ko nga Levi’s style na.
Noon ang sukatan ng original na pantalon ay binabaliktad ang sinturera. Pag nakitang ekis-ekis ang tahi, orig daw.
Ang hindi ko makalimutan ay nang mauso ang faded na design. Nag-umpisa lang sa t- shirt, naging polo hanggang sa pantalon. Ito’y parang pinaghalong pinturang puti at ng ibang kulay, tapos hinalong bahagya. Dahil usong-uso, maraming naka faded, pambahay at panlakad na suot. Parang lima singko sa kalye ng Naga.
Minsan nagtatambay kami sa gilid ng Lindez Hotel, kasama ko si Nilo (Banzuela), Ricardo (Rubis), Joselito (Marbella) at si Vicente (Ojeda) maraming dumadaan naka-faded. Kaya’t napagkatuwaan namin na, kapag una kang nakakita ng naka-faded tatapikin mo yung katabi mo. Sa daming dumadaan, nagiging sapok na hanggang nagkakasakitan na. Wala naman nagkakapikunan pero mamumula na ang katawan at mukha. Noong hubarin ni Joselito ang kanyang polo, para tingnan ang masakit na balikat, pati sando ni Joselito faded din pala. Apat na sapok ang inabot niya.
Mga Tyansingero sa Kalye
Pagkatapos ng klase, magsisipagdatingan na ang mga college student. Nagtatambay kami sa bilyaran sa kanto ng E. Angeles at UNC avenue. Nakita ko si Edward (Sagarbarria) at Vicente pabalik-balik, pagkagaling sa Monchitos papunta sa Canlash Tailoring at balik na naman. Sabi ko, anong ginagawa nyo, pabalik-balik kayo.” “Pagmasdan mo ang kamay ko, sabi ni Edward. Pagka may dumarating na nakamini, sasalubungin ko. Uso pa ang mini skirt noon. Kapag tapat na kayo, sabay ipatikwas mo ang kamay mo sa legs, tiyansing at di niya mapapansin. Sinubukan ko din epektibo nga. Umpisa noon panay na ang pabalik balik namin sa kanto sa tapat ng pharmacia.
Noong makasalubong namin si Corazon (Antero) ang sabi sa amin, wag ako ha, alam ko ang modos nyo, mga hayop kayo!
Noong mauso ang pananantseng sa kalye, doon na nagpalagian si Anto, nag-aabang sa amin.
Makita lang ang bubong ng First Love
Kami noon ang magbabarkada nina Antonio (Perez) at Edgardo (Cabalquinto). Madalas akong tumambay noon sa boarding house nina Edgar, sa likod lang ng Lindez Hotel. Si Edgar maaga pa maykalandian na, kapitbahay lang nila. Ako naman palaging doon kasi meron isang colegiala, umaasang makatsamba. After klase naman, minsan doon kami kina Tony sa Abella. Si Edgar meron ng GF, si Tony meron nililigawan, ako naman puro apol of the eye lang. Puro tingin lang, pagkasalubong ang crush, nakayuko daw ako, kapag nakalagpas na saka lilingon. Legs lang naman talaga ang gusto ko.
Minsan niyaya ako ni Antonio na mag-akyat ligaw. Sabi niya “Don samahan mo ako sa Kamaligan punta tayo kina Remedios (Domitita).” Nag-jeep kami patungo sa bahay at bago pa dumating bumaba na kami sa kanto. Sabi ko, “asan bahay nila?” “ayun, bubong na yero, pang limang bahay.” “Ang layo pa natin”, “Hali ka na”, sabay para ng tricycle, Abella po! akala ko papunta na kami, yun pala pabalik na sa bahay nila. Hayyyy, nakita lang yung bubong, na-solve na!
Si Mr. Aquino ang titser namin sa Vocational noong first year at third year. Lahat ng gagamitin niyo sa project, di ka na lalayo nandoon na kay Mr. Aquino. Negosyante, umpisa sa glue hanggang bookends, nandoon na lahat.
Minsan ang project ay wood lamination, si Antonio ipinag-laminate niya yun souvenir niya sa first love niya isang valentine card. Hindi ko lang alam kung galing sa love nya o’ang ibibigay nya sa love nya, meron naman caption “A souvenir (sana) for/from my first love”. Hindi ko lang sure kung nagkatuluyan sila, kasi wala na akong balita kay Antonio. Baka ngayon hanap hanap niya pa rin si Remedios.
Mga kaklase ko:
Vicente Ojeda, Antonio Perez, Edgardo Cabalquinto, Bernardo Nayve, Nestor Magat. Ricardo Rubis, Manuel Arquilla, Joselito Marbella, Edward Sagarbarria, Nestor Aspe. Elmer Tayas, Nilo Banzuela, Jaime Villarino, Alvin Gimpaya, Turiano(/?)
Lourdes Aven, Remedios Domitita, Myrna Ponon, Evelyn Duyan, Corazon Antero, Pinky Felipe, Teresita Millena, Lourdes Millena, Milagros Miller, Rolanda Mayanera.