AKAB

Noong kabataan ko mahilig din ako magpalipas oras sa labas, kasama ang mga matatalik na kaibigan. Kapag walang ginagawa, nasa labas nakikisalamuha. Naka abang sa mga dumadaan. Pagkakain ng hapunan, nagpapainit na ng puwet sa harap ng tindahan. Nagpapalitan ng nakakatawang eksena, minsan napagkekwentuhan din ang mapang-aping gobyerno. Nagiging relihiyoso, kasi naalala si Lord sa diskusyon. History ng mundo, kahit na nga history ng kapitbahay palaging usapan. Sari-saring usapan, minsan walang kinahihinatnan. Masaya’t nakakaengganyo, umpisa bata nasa kalye na, nagiging utusan ng matatandang tambay na nag-iinuman.

Doon po sa amin, sa Barlin, meron itinatag na grupo ang mga kabataan, tinawag na AKAB. Maliit pa ako noon, sa bawat poste at pader nakasulat ang AKAB. Ang KAbataan ng Barlin daw,  pero sa isip ng mga tambay ang tunay na ibig sabihin ay Atsay Killer Association Barlin, nambibiktima ng mga tsimay. Paano, nakababad sa tindahan at abang-abang ang mga katulong, liligawan lang naman. Kapag napasagot, kumukubli na lang sa madidilim na lugar ng Barlin.

Tambay, parang hindi maganda pakinggan. Kapag sinabing isa kang tambay, ang ibig sabihin, palamunin ka sa bahay, walang trabaho, walang ginagawa, tamad.

Depende naman, hindi ganun, nagpapahinga lang daw pagkatapos ng mahabang nakakapagod na trabaho. Siempre di rin maikakaila na meron talagang tunay na tambay. Ngunit, meron naman umasenso at siempre meron nagpabaya. Talagang ganun ang buhay sadyang ginawang hindi pantay-pantay. Ganun talaga ang panahon noon, pagtatambay ang pampalipas araw. Sabagay, nakakainis din, kasi sa masikip na daan lalong nakakasikip. Kapag madilim, nakakatakot baka ka makursunadahan o’ kaya’y mabastos. Parang mga askal, baw ng baw, hindi mo alam kung mangangagat. Kaya’t pag di ka kilala sa lugar, lakad mahinhin, patabi apo, wag pahambog kundi mabubugbog ka.

Depende pa din sa mga tambay, meron naman napagtatanungan ng mga nawawala, nakakatulong sa mga kapitbahay kung sakali man may sakuna, nagiging bantay sa komunidad. Hindi ka naman makakatambay kung di ka naman kilala sa lugar. Noong panahon ang pakikihalubilo ng mga pinoy ay naging kaugalian na. Lalo na doon sa kanayunan habang humihimas ng manok, nagpapausok, hanggat sa makursunadahan ang manok, para sa tagay ng mga nagkakasiyahang tambay.

Sa panahon ngayon madalang na ang tambay. Wala na ngang AKAB. Abala na ang mga kabataan ngayon sa computer, sa internet, maraming exciting na board games, maglaro sa online games, imbes sa labas, makikipagchikahan sa social media. Ang tsismisan naging moderno na, chat-chat na lang. Nagtatambay man pero ang kinaaabalahan ang cellphone niya. Kung may kaya ka, siguradong nasa coffee shop ka. Sa isang kape lang, one to sawa kang tambay. Ang iba naman sa mall nagpapalamig. Paano kung notakwar ka? Sa tindahan ka ni t’song Jose, baka meryenda mo malibre.

Sa aming kumonidad, walang nagtatambay na mga kabataan, kung meron man galing sa katabing masikip na barangay. Meron mga bata na mga naglalaro sa kalye. Noong maliliit pa ang mga anak ko maghapon nasa kalye, pero nong nagbinata at nagdalaga na hindi mo na makikita, kadalasan buong araw nasa loob ng bahay maypinipindot. Kasi iba na ang panahon, iba ang pamumuhay namin sa iba. Iba ang kinahihiligan na. Yun ilang seniors na lang ang nakikita kung nagpupulong-pulong sa kanto tuwing umaga, na ang pinag-uusapan ang mga sakit nila, at ang sakit ng bayan na hindi malutas ng ilang nasa gobyerno.

Sa mga naghihirap, lalo’t na ang nakatira sa slum area, dahil kulang ang espasyo marami pang mga tambay. Umpisa sanggol na kalong ng nanay hanggang sa mga matatanda. Umpisa kay lolo hanggang sa apo, pati kapinsanan na sumunod galing probinsya nakikisiksik pa sa maliit na bahay. Dahil kulang ang mapaglilibangan, lalo na’t maliit ang tinitirhan, nagtatamaan ang kanilang mga siko sa kwarto, umuuga, napakainit, walang maiging bentilasyon, kaya’t nakahubad. Sa gabi walang mapuwestuhan, daig pa ang sardinas,  kaya’t magpapaubaya muna sa iba, at siya naman sa madaling araw na. Ang gagawin, magpahangin sa labas, sa kalye nagtatambay. Nagkukumpol-kumpol sa iba’t-ibang sulok ng barangay. Lahat nakikipagsapalaran sa maingay na ciudad, tambay muna baka may dumating na magandang kapalaran.

Ngayon iniutos ni PDuts na bawal na ang tambay, kaya naman itong mga alipores niya nag pa-impress na naman agad, atat na mapansin o’ makaamoy ng pabuya. Nakahiligan na ata, makalipas ang dalawang taon na ipagpatupad ang marahas na pamamaraan ng pagsugpo ng kasamaan, nanggigigil pa. Hindi naman pala bawal ang tumambay. Pagkatapos ng kapalpakan, ginago ng mas gago, nagtuturuan.

Nagpapalamig lang sa labas, dinampot, isiniksik sa masikip na kulungan. Noong pakawalan, baka nahawa na ng flesh-eating na disease. May napatay pa nga. Hay diyos ko, kawawang Juan! Di na nga makayanan ang pataas nang pataas na bilihin. Napagdidiskitahan na naman. Pagminamalas pa, napagbibintangan…lumaban daw, patay!

Siguro kung nabigyan ng magandang kinabukasan, wala naman sila sa kalye, nakahilata siguro sa magandang silid habang minamasahi. Kaya lang talagang hindi nakapagsikap ng maigi, kulang ang pinag-aralan, kulang sa tyaga o’ pag-iisip, kulang sa pansin, ipinanganak na hikahos sa buhay, sa madaling salita, hindi pinagpala. Nagkikipagsapalaran na sana mabigyan ng magandang hanapbuhay, kaya lang dinampot nagka-record.

Patuloy ang mahihirap nakakaranas ng kaapihan lalo na sa panahon na ito. Samantalang ang iligal na dayuhan nagtatambay sa karagatan at sa mga isla ng Pilipinas, pinapabayaan!

Hay, buhay!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.