Disco Inferno

Si Hillary ay dalawang taon ang tanda sa akin. Third year siya at ako naman ay second year. Isang Atenista, matangkad, maputi at makinis ang pisngi. Halata mo agad sa kanya ang cheek bone, nae-emphasize masyado, parang si Faye Dunaway ng Hollywood. Palagi siyang nakapantalon at kung magpalda naman ay laging lagpas tuhod. Hindi ko masyadong nasilayan ang kanyang mga legs. Sa palagay ko wow naman.

Nakatira siya sa tabing boarding house lang, na may puno ng mambog sa harapan na gilid. Halos lahat ay mga estudyanteng dayo ang nakatira. Magkakalapit ang mga dingding ng mga bahay, na lahat gawa sa kahoy. Ang bubong halos magkakadikit na. Kung magkakasunog, siguradong madadamay lahat. Dahil sa kalumaan ng mga kahoy, ang aming bintana nadadaanan, gagalawin lang ang isang rihas makakapasok ka na.

Iilan lang ang tindahan sa kalye ng Barlin, kaya’t halos ng mga nangungupahan na mga estudyante ay suki. Si Hillary ay malimit mamili ng Chippy at Coca-Cola. Ako naman nabibighani, kasi parang nakikita ko si Gloria Diaz sa pelikulang “Ang pinakamagandang hayop sa balat ng lupa” Kadalasan siya ay walang sapin. Bakat sa kanyang t-shirt ang maliit na mga botones sa magkabilang dibdib. Maloloka ka, sabi nga ni Mocha, ang Mayon daw nasa Naga na. Siyempre hindi ka naman makakatitig, pasimple lang. Kung kaya mo tumingin na parang chameleon na ang focus ng isang mata nakatitig sa mukha at yun isa naman sa dibdib, ay ok sana. Pero, baka matuloyang maduling, may pagkabanlag pa naman ako. O’ kaya lawakan ang tingin, kita mo ang buo pero nakafocus ka sa mukha niya. Talagang mabibighani ka sa suki ko, palagay ko pati mga tambay naka-abang. Hindi naman bulag si t’song Jose na hindi niya din mapansin.

Pupolar noon ang Disco. Si John Travolta sumikat sa pelikulang “Saturday Night Fever” at sinundan pa ng “Thank God It’s Friday” ni Debra Winger at dito naman sa atin ay si “Annie Batungbakal” na taga Frisco. Lahat pumatok sila sa takelya. Kaya’t ang A Taste of Honey, isang sikat na discotheque sa Naga, nagbukas na sa hapon para mai-accomodate ang dumaraming disco maniacs. Sikat ng Bee Gees namamayagpag, ang “Stayin alive” at yun album nilang “Spirits having flown” paulit-ulit mong maririnig, samahan pa ng Earth, Wind and Fire, talagang mapapaindak ka. Ang VST & Co. nag-contribute din sa disco genre, sa kanilang “Tayo’y magsayawan“.

Si Bobet ay isa din dayuhan sa aming lugar, graduating ng Criminology. Tatlong taon ang agwat namin. Malimit din tumambay sa luma at mala-palasyong bahay. Matangkad at may itsura, ala-travolta kung umasta. Naging kaibigan dahil sa mga kamag anak niyang nakatira sa lumang bahay. Minsan, niyaya niya akong magdisco. Sabi niya, maghanap daw ako ng partner namin at sagot niya na ang entrance. Noon may dalawang beer na yun at lady’s drink, paaabutin mo na yun hanggang magsara. Pumasok agad sa isip ko ay si Hillary. Hindi mahirap magyaya noon, kasi bukang-bibig ng mga kabataan ang disco.

Tamang-tama naman, kamakailan lang, si Joelits na may kaibigan sa boarding house ay ipinakilala sa akin si Hillary, kaya’t timing na nagyaya si Bobet. Hindi naman ako nahiya, sabi ko lang sa kanya na partner tayo at maghanap ka pa ng kasama mo para kay Bobet. Nabuo na ang apat na sikat, sa isip ko, si Bobet kay Minerva at kami naman ni Hillary ang mag-partner.

Walking distance lang ang Studio 4 (mala-Studio 54 ng New York), isa sa nangungunang discotheque sa Naga noon. Magkasabay kaming naglalakad ni Hillary sa hulihan at nasa unahan namin yun dalawa. Pagdating namin, punong-puno na ang studio, sabi nga, hindi mahulogan ng karayom. Buhay na buhay ang studio dahil sa lakas ng mga sikat na sayawin. Yumayanig ang mga salamin sa paligid ng dance floor dahil sa lakas ng baho at yumuyugyog naman ang sahig sa kalampag ng mga paa. Umiikot ang nakabitin na mala bolang crystal sa gitna ng stage at nagre-reflect ang iba’t ibang kulay na ilaw. Ang sahig umiilaw na sumasabay sa kumpas ng tugtog. Meron ilaw na nakakasilaw, slow motion ang tingin mo sa bilis ng mala-kidlat na kumikutitap. Kahit di ka marunong sumayaw, parihas kaliwa man ang paa mo, mapapaindak ka’t mapapakimbot sa kanta ng The Trammps ang “Disco Inferno”.

Kauupo pa lang namin, nagyaya na agad ang aking partner ng marinig ang “Boogie Wonderland”, naiwan yun dalawa habang umo-order nang maiinom. Tuloy-tuloy ang musik, non-stop ang dancing. Dalawang turn tables, salit-salitan ang tugtog ng Bee Gees at ng Earth Wind and Fire at sinisingitan pa ng iba. Pagpapawisan ka talaga, hangat sa magkakaharap na kami, at isa-isang lulusong sa gitna. Si Bobet kung gumalaw ay parang si Tony Manero sa “Fever Night“. Pataas-taas ng kamay, na nakaturo sa taas at pakimbot- kibot sabay turo sa amin at kay Hillary. Parang nang-aakit.

Dalawang tugtog na pahinga at sugod ulit sa dance floor. Naka ilang round din kami tapos palitan ng partner. Naririnig ko yun iba, sweet naman daw. Pero hindi nagpapaawat ang disc jockey panay modernong sayaw.

Hanggang sa dahan-dahang dumilim at papatapos na din ang malakas na tugtog. Hiyawan ang mga sumasayaw. Unti-unting lumabas ang boses ni Karen Carpenter, “We’ve only just begun” naubusan ata ng modernong sayaw, biglang palit ng sweet na nakakakilig. Nagkataon naman na nagpalit kami ng partner ni Bobet. Nong marinig ang intro palang ng kanta biglang hawak agad si Bobet kay Hillary. Siyempre kakahiya naman na iwanan ko ang kasayaw ko. Hanggang kami pa rin sa pangalawang tugtog, “Rest your love on me“, pero hindi ko maramdaman ang ganda ng mga love songs, iba ang nasa isip ko. Hindi ko ma-feel ang pagka-sweet niya sa akin. May hinahanap ako, hindi ko mabanaag kun nasan yun dalawa, wala sa paligid namin. Pag-ikot namin, nasa gilid pala ng dance floor, malapit sa salamin, dikit na dikit, hindi rin mahulugan ng karayom ang dalawa. Nakalapat ang mga kamay ni bobet sa likod. Si Hillary naman nakapulupot ang mga kamay niya sa leeg. Suspetsa ko may namamagitan na sa dalawa agad. Feeling kong magselos, pero wala akong karapatan, lalo’t na nilibre lang ako. Kunyari ok lang, pero sa isip ko, nagngingitngit.

Ang sweet segment pala ng Studio 4, ay huling set na. Noong umuwi kami, ang kasabay ko sa pag-lakad ay si Minerva na at sa hulihan namin yun dalawa. Paglingon ko, nakaakbay na si Bobet kay Hillary. Ang bilis naman, parang may dumaang ipo-ipo, nabaliktad kami.

After ilang buwan, wala na si Bobet, ang dinig ko nagtraining daw sa isang campo, at hindi na bumalik ng Barlin.

Sumali ako noon sa isang frat, hanga’t nagkaroon ng induction ng mga bagong miyembro. Sa Studio 4 ginanap, nagkaroon ako ulit na pagkakataon yayain si Hillary. Matapos ang panunumpa, “Shadow dancing” ang simula, sayawan-yugyugan na. Walang palitan ng partner, parang nagkaroon kami agad ng pagkakaintindihan, hindi ko alam kung anong nangyari. Pagkatapos ng tugtog na “How deep is your love“, nang umuwi, naging kami na.

Sabi ni Hillary, siya daw ay liberated. Wala daw siyang paki-alam kung ano man sabihin ng mga tao sa kanya. Pumapayagpag noon ang women’s liberation, kaya’t nakiuso din. Minsan nagkakausap din kami ng mga seryusong bagay-bagay, minsan sabi niya sa akin, may maganda ka din palang naipapayo. Nababanggit ko din ang pananamit niya. Ilang beses din kami nagdate, kumakain ng mani habang nag-iikot sa sentro. Nanood ng sine na inulit ang magkadobleng pelikula. Papasok ng hapon, gabi na ang labas. Victor Cinema pa ang gusto na nilalangaw ang mga pelikula. “Too much heaven” Ilang beses din ako ginabi sa boarding house nila, puro lang naman kuwentuhan, batang-bata pa ako noon, wala pa sa isip ko ang malalim na pagkaka-ibigan.

Nalaman din ng mga magulang ko ang pagiging magkasintahan namin. Sinabihan nila ako na tutol sila, pinagpayuhan na bata pa ako, pag-aaral muna ang atupagin. Kaya lang unti-unting nahuhulog ang loob ko at di makaiwas.

Hangga’t sa…nalaman ng tatay ko na nasa kabilang bahay ako, alistong pinatawag ako. Nagtago at tumakas ako, umakyat sa mambog, tumawid sa bubong at lumusot sa bintana namin. Kaya lang, natunugan ng tatay ko ang mga rumaragitnit na yapak ko sa bubong. Hinabatan niya ako sa bintana, pagpasok ko, “lintian kang aki ka, maagom ka na?” at kung ano-ano pa ang sinabi niya. Naligo ako ng sermon. Hindi ako makakibo, nag-aalalang baka marinig kami sa kabilang bahay.

Ilang araw din ako hindi nagpakita kay Hillary, nagbanlaw muna. At nang magkita kami, ramdam ko ang malabnaw na tingin niya na sa akin, nanlamig na. Hindi niya masabi kung ano ang dahilan at bakit?

At ilang linggo pa ang dumaan, noong dumungaw ako sa bintana, nakita ko siya sa kanto, mayka-holding hands nang iba.

Hindi ko alam kung anong nangyari sa amin, parang disco na iniwan na ng panahon.  Naalala ko pa ang unang sayaw namin na very sweet, yun na din pala ang “Last Dance” namin ni Hillary.

Pagbubulay bulay:

Siguro pakiramdam din ni Hillary na may tutol sa aming pagkakasintahan o’ baka talagang mapili lang siya. Pagmaypagkakataon, palit, maraming naman naaakit.

Talagang hindi kami para sa isa’t isa. May darating din na para sa akin talaga.

Nakakalungkot din lang, kasi kahit na saglit lang, ang namumuong pag-ibig ay sayang din, parang bulaklak na hindi namungadkad.

2 Comments Add yours

  1. teacherjoannaph ay nagsasabing:

    Nice, ger! Galing!

    Like

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.