May nalaglag, may nakapulot

Hindi na makatiyaga si Isabel sa kanyang iphone na cellphone. Mabagal na at mabilis maupos ang baterya. Kung maggamit siya pasimpleng itinatago, nahihiya, kasi basag na ang salamin. Kaya’t nagpasya na maki-ride sa credit card, 6 months to pay. Excited, ang ganda daw pang-selfie, parang si Sarah siya sa F7 na bago. At tamang-tama daw sa nakaplanong pamamasyal namin sa Iloilo at Gigantes Islands.

Noong nasa Iloilo na kami, namasyal at nag-ikot sa ciudad muna, first time na pumunta ang pamilya, sabik na matikman ang original na La Paz Batchoy at ang pinagmamalaking nilang pansit molo. Selfie dito, selfie doon, bawat pagkain kinukunan. Imbes daw na i-bless muna ang food, picture muna. Nagpahinga lang noong puno na ang memorya ng phone niya.

1915193_1121346927920_2373931_n

Pagkatapos mamili ng sikat na biscocho at iba pang madadala sa mahaba pang lakbayin namin. Dahil malapit na lang naman kami sa lugar, nagpasya kaming kumain sa SM City, na marami ding mapagpipilian na lokal food. Mahirap na maghanap ng makakainan sa daan, nag-aagaw liwanag at dilim na din kasi. Anim kami, siguradong hindi magkakasya sa isang taxi, kaya’t si Isabel at Jase ay nagpasyang magdyip na lang. Naghintay ng dyip na walang sakay sa unahan para makita pa ang mga dadaanan at para makasiguro sa bababaan. Nilapag niya ang celfon sa hita, habang inaayos ang buhok. Sabi ng driver “SM na!” Agad bumaba ang dalawa, at biglang humarurot ang dyip. Ilang minuto pa, naalala ni Isabel ang cellphone niya, kinapkap sa bulsa at hinalughog ang bag, wala!

Siguro dumulas sa hita at nahulog sa upoan. Agad tinawagan ni Jase, at nagring naman wala lang sumasagot, ring lang ng ring. Sabi nila, baka nadala namin o’ kaya naman nalaglag kung saan. Sa paulit-ulit-kulit sumagot din ang mamang nakapulot. Siya daw yun tsuper ng dyip. Sabi ng tsuper, iaabot niya na lang sa sunod na ikot niya, abangan niyo ako sa SM bago matapos ang isang oras. At deniscribed naman ang suot nila at kung saan maghihintay. Sa ilalim sila ng footbridge, sa tapat lang mismo ng SM, para madaling makita ng tsuper. Bumili din kami ng two-piece chicken bilang pabuya.

Agad-agad silang nag-abang, sa isip na baka makalagpas ang mamang tsuper. Mag-iisang oras na silang nakatayo, mahaba na ang leeg, wala pa din. Tinawagan ulit para makasigurong darating, ngunit hindi sumasagot. Sabi namin baka nagmamaniho, di makasagot ng tawag. Hindi rin matandaan nila ang itsura ng driver at kahit ang dyip wala sa isip nila. Nakalimutan din na tanungin kung ano ang plaka at itsura.

Pagkatapos ng mahigit isang oras, apat na kaming nag-aabang. Bawat dyip inuusisa, bawat dyip na humihinto inaabangan ang bumababa. Masakit na ang mga leeg, ang mga paa, pagod na, wala pa din ang mabait na tsuper. Tinawagan ulit wala ng ring, ang sabi na lang namin baka na dead bat na. Sinundan na din ng ilang text.

Mahigit dalawang oras na, nilalamok sa madilim, sa ilalim ng foot bridge, sa dilaw na buwan. Sana mapakinggan ang aming sigaw na maibalik man lang. Ngunit, wala pa din ang tsuper na sweet lover, hanggang sa nagpasya kaming lisanin na ang lugar. Pagod at lahat kami exhausted. Si Isabel humagulhol,siguro na isip ang kanyang anim na buwan na babayaran pa. Wala siyang magawa kundi tanggapin ang pangyayari.

Noong makauwi kami sa Maynila, balik sa lumang cellphone si Isabel.
After a week, tulala pa siguro, nalaglag niya na naman sa taxi. Natawagan niya na lang ng makauwi na siya ng bahay at sumagot naman kaagad. Habang nag-uusap sila sa phone, meron sumasabat na nagpaparinig.

“Patubos mo ng 5k!”, “sira” ang sabi naman ng taxi driver.

Hangga’t nagkita sila at nag-abutan ng cellphone at ng isang chicken joy na pabuya.

IMG_9608

***

Noong bagong pasok palang ako ng NIA, nag-inspection kami sa Bataan at Zambales. Nang pauwi na kami, namasyal muna sa Subic, first time ko makarating. Hawak pa ng mga kano ang Subic Naval Base noon. Habang dumadaan kami sa isang kalye na maraming club sa Olongapo, para ihatid na kami sa terminal pauwing Maynila, meron kaming na susundan na kotse. Biglang huminto sa tabi, at kami naman huminto. Nakita namin may bumababa na kano, paglabas, walang kamalay-malay, nalaglag yung wallet niya. Agad tumawid siya sa kabila ng kalye at pumasok sa isang club. Kitang kita ng aming driver at agad siyang bumaba. Pinulot niya yung wallet at papatawid na sana siya para ibigay sa kano, subalit…

Hoy, kuya! lumingon siya, “Huwag munang isauli, mayayaman naman yan.” Meron din palang ibang nakakita, parang isang mang-aaliw.

Binuklat ng driver namin ang makapal na wallet. Noong makita ang laman, humingi agad yung babae. Inabutan ng driver ng 100 Dollars, at humihirit pa, binigyan  ulit ng 50 Dollars. Pagbalik nong driver sa aming sasakyan, agad inabutan kami ng tigfi-fifty-dollar at sabay harurot. Ilang minuto din kaming natulala. Wala kaming masabi, wala kaming magawa, napaghati-hatian na. Nang bumaba kami, ang sabi na lang namin, “isauli mo na lang ang pitaka, kahit yun ibang laman maibalik man lang.”

Pagbubulaybulay:

Iba’t ibang tsuper, ibat’t ibang tao, iba’t ibang pagkatao. Nangyari na din ito sa akin, na nalaglagan ng cellphone. Mabuti na lang, masuwerte ako, matino ang nakapulot. Siguro yun Jeepney driver nagdadalawang isip na isauli. Sumagot naman sa tawag namin. Kaya lang ipinakita siguro sa ibang tao, kaya’t napagpayuhan ng hindi tama. Yun taxi driver, buti hindi nakinig, determinadong magsauli. At yung aming driver, nagpatukso ng makita ang laman ng wallet at ganun na din kami, nagpabaya.

Maraming pa sanang mga taong tapat, kaya lang naiimpluwensyahan ng mga taong nasasalamuha nila. At ang sabi nga, “tao lang naman kami na natutukso din.” Yun mga taga-bulong minsan ang mga tunay na nanunukso. Kaya’t kung balak mong isauli ang napulot mo, huwag mo nang ipakita at humingi ng payo sa iba. Sundin mo agad ang tingin mong tama at ang nakukonsensyang isip mo, kasi baka, ang mahingan mo ng payo ay isang din palang estupido at nakikibalato.

Minsan, iniintindi ko na lang, na baka dala na din ng kahirapan. Kasi kung may kaya, hindi pag-iinteresan ang maliit na bagay, mas may tsansang maibabalik, gaya ng nakapulot ng cellphone ko.

Sa kabilang banda, meron din diyan mayaman na at pinagkakatiwalaan pa, hindi naman nalaglag, pero, pasimpleng pinupulot ang laman ng kaban ng bayan ko.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.