Telegrafista

Noong maliliit pa kami, naalala ko tuwing tapos na ang eskuwela, pumupunta kami sa barrio ng tatay ko para magbakasyon. Ang barrio Telegrafo ay nasa dalampasigan na nasasakop ng golpo ng Lagonoy. Minsan ‘Afo, ang tawag ng mga tagaroon. Mabuhangin ang lugar, pero kabaliktaran ng Boracay. Ang Telegrafo ay may kulay itim na pinong buhangin. Pag-inabot ka ng katanghalian, ang init ng buhangin, hindi ka makakayapak, hahanap ka ng damo o’ anong maaapakan mo. Malalaki lagi ang alon, dinig mo ang ingay ng pagbagsak sa dalampasigan kahit malayo ka na. Buong kalupaan ng Telegrafo ay buhangin maliban doon sa amihan (palayan).

Ang Telegrafo ay hango sa Spanish word na “Telegrafista”, na ang ibig sabihin ay madaldal na tao o’ nagpapalaganap ng balita. Sa madaling sabi, tsismoso. Ayon sa Wikipedia, noong unang panahon, meron daw isang Telegrafista sa lugar na nakatira sa batong tore ng bantay. Dahil sa kanyang kadaldalan madaling napapalaganap ang kanyang babala. Naprotektahan ang mga katutubo sa  mga pag-atake ng mga Moro sa lugar. Dahil sa trabaho niya, ang lugar ay ipinangalan para bigyan parangal ang isang Telegrafista.

Laging dalawang buwan ang bakasyon namin doon. Maligo sa dagat ng araw araw. Napagkakatuwaan ang tumulong sa mga mangingisda sa paghatak ng lambat papunta sa dalampasigan. At dahil panahon ng anihan, sumasama din kami sa amihan para mag-igpot (magdampot) ng mga nakaligtaang palay.

img_4554

At sa hapon, maglalaro sa malawak na bakuran, maghabulan, magtaguan, maghuli ng kalasakas (talangka) sa mga butas sa paligid lang ng bahay. Kapag  pababa na ang araw, doon ulit kami sa dagat,  magtatampisaw at gagawa ng kung ano-ano sa buhangin, hangang sa mawala ang araw.

At sa gabi naman, wala pa noon ilaw, sa ilalim ng maliwanag na petromax at sa dilaw na buwan. Nasa harapan ng tindahan, nakikinig sa mga matatanda ng mga istoryang suanoy (kwentong kababalaghan) at ang kinatatakutan nilang paraduno (mangangaswang). Makikita mo ang nagliliparang aninipot (alitaptap) sa puno ng malunggay na kumikutitap. Natutulog kaming walang kolambo dahil walang lamok. Langhap mo ang simoy ng sariwang hangin, at parang dinuduyan ka ng tunog ng hampas ng alon, kasabay ang huni ng mga kuliglig na para bang oyayi. Kahit parang sardinas na magkakatabi ang magpipinsan sa malapad na banig sa sahig, nakakatulog ng mahimbing.

Kinabukasan gigisingin ka naman ng ingay ng mga hayop na alaga, nag-aagawan sa sinasaboy na palay ni Pay Awel. Malayang nakakalipad ang mga manok at ang baboy ay nakakagala, na di ka mag-aalalang mawawala. Hindi rin nakakaalpas sa bakuran ng may bakuran kahit na ang bakod ay gawang kawayan lang.

Mag-almusal sa hain ni May Goying na langkoy (espada) na alang (tuyo) at sariwang binating sugok (itlog). Sa tanghalian naman kahit saan na lang. Palipat lipat lang kami sa magkakapatid na Awel, Anggi at Felin. Sa meryenda kung saan ka na abutan sa mga kapinsanan, kamoteng kahoy, saging at ang masapog na kamote nila. Dahil bisita ka, paghahainan ka ng special na hulog-hulog (bilo-bilo).

Kapag Abril hanggang Mayo, buwan ng kapiyestahan. halos araw araw meron piyesta sa bayan ng San Jose, umpisa sa baryo ng Telegrafo, sunod sunod na sa karatig na mga kabaryuhan. Sa disperas ng kapiyestahan ang suot ng mga kabataan lahat bagong damit para sa gabing sayawan at paghahanda na din sa araw ng kapiyestahan. Ibos, latik at aroyo (mga kakanin) sa almusal at panulak na mainit na tsolate. Iba’t ibang putahi sa tanghalian, todas ang isang baboy na inalagaang ng ilang buwan. Ang malinamnam na inihaw na malasugi ay di mawawala sa hapag kainan. Hindi naghihinayang, para sa dalawang araw na kasiyahan, makapagpasalamat sa masaganang ani at pangingisda.

“Roque, Roque, Roque ipagdasal mo kami,” ang wika ng pari na nagmisa noong piyesta, “ilayo mo kami sa ano mang salot na dumarating.”

Lahat ang tawagan sa lugar ay “pay” at “may” para sa mga nakakatanda, “manay” at “manoy” para sa ate’t  kuya naman. Halos lahat magkakamag-anak. Iilan lang ang apelyido. Kapag may ikakasal lahat inbitado. Naghihiraman ng mga kubiertos, mga gamit sa handaan dahil buong baryo ay may pagsasalo-salohan.

Mga kalolololohan at kalolalolahan doon na ipinanganak at doon din nagsipaglakihan. Panahon pa ng mga kastila, dumaan ang giyera mundiyal nandon pa din sila. Doon na din sila nagsipagpanaw, hinabilin ang kanilang mga iniwan na pangalagaan.

Kapagmalapit na ang pasukan pag-uwi namin ang itsura ko ay parang negrito, ngipin na lang ang maputi sa akin. Ang balikat at likod ko unti-unting nagbabalat. Bakas ng saya sa nakaraang mahabang pagbabakasyon ko sa Telegrafo.

Ilang taon na din ako hindi nakabalik sa Afo, ilang dekada na nga siguro. Kung pumunta naman saglit na lang, nangungumusta na lang. Wala na din ang mga kapatid ng tatay ko, wala na din ang mga nakakatandang mga pinsan ko. Kung meron man ang mga taga pagmana na lang. Yun iba naghanap ng magandang uportunidad sa Maynila, yun iba mas malayo pa. Umuuwi na lang tuwing fiesta para makita muli ang kinalakihan nila.

Ang magandang mga alaala na ito ay parang gustong burahin ng isang kilalang politiko. Isang gabi, habang nagpapahinga, binuklat ko ang aking FB, nakita ko ang vidyo na ginigibang bahay sa Telegrafo…

Bahay ito ni May Anggi!”

Laking gulat ko. Magkahalong lungkot at inis ang naramdaman ko agad. Ano ang dahilan? Hindi na ako makatulog, sa isip ko ano ang nangyari?

Hindi ako makapaniwala na buong baryo ay kanila. Hindi nga lang ang baryo namin kundi pati karatig merong silang malawak na lupain.

Noon kasi, wala naman nag-iintindi niyan o’ walang alam, ang alam ang mamuhay lang na tahimik, magbungkal ng lupa at mangisda. Tingin nila masaganang buhay na. Hindi inaakala na may darating na sakuna. Noong nagkamalay huli na. Pinagsamantalahan ng ganid at makapanyarihan sa bayan, patago na kinakamkam. Walang kamalay-malay ang mga taga Afo, ang lupa hindi pala sa kanila. Para bang kapitbahay mo na habang mahimbing kang natutulog, ang bakod unti-unting naglalakad, paggising mo nakadikit na sa dingding mo.

Makauragon (nakakabuwisit), parang gusto mong mamuniti (manuntok). Ang sabi, para mapasayo daw ang lupa mo, bayaran mo at kung ayaw mo, lisanin mo ang lugar. Ang hirap kayang lisanin ang bahay na punong-puno ng magagandang alaala. Ang hirap magbayad na alam mo naman inabilin ng mga lolo’t lola mo. Lalo na ang hirap tanggapin na ang lupang minana mo ay hindi pala inyo at pag-aari ng politikong kinasusuklaman mo. Nakakabwesit, nakakapikon ang hirap tanggapin na wala na ang bahay ni May Anggi. Puersahang giniba at itinaboy ang nakatira.

Hindi ko maisip kung pano nasarili nila ang malawak na lupa, na sa umpisa pa ng kanonononoan doon na nakatira. Niwala man lang silang kamag-anak doon o’ kaapilyedo man lang. Walang nagawa si San Roque na patron ng Telegrafo at ng mga aso niya na bantayan at iiwas sa salot ng lipunan. Parang paraduno, na unti unti kayong inilalapit sa kamatayan. Siguro kung buhay lang si Telegrafista, naagapan at hindi sana nangyari ito.

Siguro nagpapakilala dahil malapit na naman ang halalan. Baka nga naman iboto ang kalaban niya, eh, lupa niya ang kinatitirikan ng mga ayaw sa kanya. Kapitan ng maliit na barangay pinatulan, ano pa kaya kung walang-wala ka? Mangangamba ka, baka paggising mo nasa laot kana, pinaaanod papalayo sa baryong tinubuan mo.

Parang kahalingtulad ito ng mga Intsik, biglang naglabas ng kanilang mapa, ang West Philippine Sea ay nasasakupan daw nila. Wala tayong kamalay malay, ang karagatan at mga isla sinakop na. Yun inaasahan natin na pagkukunan ng sapat na langis para sa darating na generasyon ay nasakop na. Yun inaasahan natin na magbibigay ng maraming pagkaing dagat ay wala na din. Itinataboy ang ating mangisngisda, ang mga inaasahan natin ay nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingian. Ang masaklap pa nito, parang meron nakikipagsabwatan sa ating bayan para sa mananakop na mga singkit. Maipaglalaban kaya ng kangkonggresman na ito ang Pinas laban sa dayuhan kung sa bayan niya mismo ang ginagawa nila ang panggigipit at pangangamkam!

10696384_1532710596972219_6155630196359063380_n

Naalala ko pa si Pay Endoy, habang tinatayo ang bahay nilang ito. Naghahakot ng malalaking bato galing pa sa malayong baryo, dala niya ang kanyang kalabaw at kariton. Bakas sa kanya ang matinding pagod.  Sa likod na bakuran ang mag-aama (Oscar at Nido) ay naghukay para gamitin sa pagsesemento ng kanilang bahay. Ilang bagyo na ang dumaan sa Telegrafo, ang bahay ay nanatiling matibay. Ngunit, hindi nakaligtas sa gahaman sa bayan.

6 Comments Add yours

  1. gisbert ay nagsasabing:

    This brought back memories.. i remember two things na dmo na mention..sa banggi ang prominent na tunog ng waves ng dagat at ang paghahanap ng mimingkokoy pag walang magawa sa hapon…. very good work Ger!!!

    Liked by 1 person

  2. Jose marie beringuela ay nagsasabing:

    Very well said tito donis!Naranasan ko rin maghila ng lambat dyan noong bata pa ako,isang tabong punong puno ng isda ang binigay sakin na naiiuwi ko pa sa amin.Kakaibang karanasan para sa isang batang nikikiusyosa lang hehehe

    Liked by 1 person

    1. GerDon ay nagsasabing:

      Thank you ger sa comment mo, oo na nabangit ko ang ingay ng alon, dinig natin kahit nasa sentro na tayo ng baryo. Ang hindi ko alam yun “mimingkokoÿ”. Walaakong matandaan kung ano yun. Medyo nauna ka kasi sa akin. Anyway, ang sarap I-recall ang masayang nakaraan! Mabuhay ka ger!

      Like

      1. Jose marie beringuela ay nagsasabing:

        Mimingkokoy yan yung mga kulisap na nabubuhay sa buhangin,humuhukay cla pailalim korteng cone,masarap laruin yan noon hehehe.

        Liked by 1 person

  3. GerDon ay nagsasabing:

    Hi don2, Thanks sa pagbasa mo at comment. Nasubukan mo din palang maghatak ng lambat, hahaha, isang tabo na isda. Noon madami pang nahuhuli dyan, ngayon daw halos pawala na. Nakalimutan ko ang mimingkokoy kung ano yan. ,siguro, ito yung tinatawag din na orig-orig. Oang din pala na paglalaroan din noon sa Telegrafo.

    Like

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.