kumusta na kaya sila ngayon?
Ito ang pangatlong project ko sa labas ng Pilipinas, siguro ito yun hindi ko makakalimutan, kasi humaba ng humaba ang assignment ko at napaka-challenging. Nag-umpisa noong 2006 hanggang 2011. Ito siguro ang maikukumpara ko sa isang OFW na nagsasakripisyo, hindi lang para sa pamilyang naiwan sa Pinas, kundi para sa ibang tao na di mo naman kaano-ano na sa ganitong paraan naging bahagi ka sa pag-ahon ng mga biktima ng matinding sakuna. Yun malasakit mo sa ginawa niyo ay di nawala, kahit na dumadaan ka sa hirap at nakaka-stress dala ng naiibang lugar, klima at ang ibang kultura ng mga tao.
Maipagmamalaki mo na naging bahagi ka ng isang lugar na lugmok sa hirap at umahon na ni isang kusing ay di ka nabahiran ng panglalamang, puro trabaho lang.
Sabi ko nga noon, last ko na ito sa Pakistan, pero nang matapos namin ang project at nakapagpahinga ng ilang taon, hinahanap-hanap ko pa rin na sana makita ko muli yun mga ginawa namin, na kung pagbibigyan pa ng isang pagkakataon ay nanaisin ko pang bumalik. Ang palaging tanong ko sa isip ko ngayon, “kumusta na kaya sila?”
Ang Project
Dumating kami ni Rene noong August 5, 2006 sa Islamabad at doon muna kami namalagi ng ilang buwan para i-assist ang JICS sa bidding evaluation.
Ang project ay Rehabilitation of Earthquake-Affected Health and School Facilities sa Battagram. Nagkaroon ng matinding lindol ang Pakistan noong October 8, 2005, malaki ang naging pinsala, 4,500 ang nasawi at 35,000 ang napilayan. Karamihan sa mga gusali gumuho, kasama dyan ang mga eskuwelahan at hospitals. Pansamantalang nanirahan ang mga biktima sa mga tents. Hindi lang naman Battagram ang napinsala ng lindol, pati din ang mga karatig na districts. Dito lang ibinuhos ng hapon ang tulong nila.
Ang mga school at health facilities ang matinding tinamaan, puro gawa sa bato na pinagpatung-patong, pinagtagpi-tagpi ng semento, walang mga bakal na magpapatibay sana. Kaya’t nang dumating ang malakas na lindol, gumuho ang mga ito. Naiwan ang mga batang walang eskwelahan at walang matinong pagamutan. Kaya naman ang Japan ay nanguna sa pagtulong at pinangunahan ng Japan International Cooperation Systems (JICS).
Hindi lang naman Japan ang namahagi ng tulong kundi ang European at ang America ay nanguna din. Ang dating lugar ay hindi inaabot ng mga dayuhan bago pa ang lindol, ito’y dinadaanan lang ng mga biyaherong patungo sa norte ng Pakistan. Maraming lugar dito na di pa inaabot ng sasakyan dahil sa walang kalsada at bulubonduking lugar.
Ito ang unang project ng International Consulting Group (ICG) ng PKII. Construction supervision for 13 months lang sana, ngunit umabot ng ilang taon, dahil sa bagal ng construction sanhi ng mahinang kakayahan ng contractor, pabago-bagong klima at magkakalayong sites. Bale tatlo kaming na-assigned na Pinoy bilang mga Chief Engineers, tig-iisang package. Package 5 ako, si Rene ay package 6 at si Randy ay package 7. Ako ang may pinaka malaking budget at malapad na scope of works. Pinaghati sa dalawang sub-packages ang 5 sa A and B. Una 75 sites, pero na-reduced ito to 65, dahil hindi feasible na at kulang na ang budget. 110 na gusali at kasama din diyan ang bakuran. Ang 65 sites ay naka-scattered sa Battagram. Magkakalayo, ang iba nasa paanan ng bundok, ang iba nasa patag na lugar. Meron hindi pa inaabot ng sasakyan, dahil nasa tuktok ng bundok. Ang mga materyales, dinadala paakyat ng mga donkeys. Ilang oras ka aakyat, lalot na masakit ang tuhod mo. Meron site na sasakay ka sa cable car, na kakalog-kalog, mangangamba ka na baka mapatid ang kable. May ilang sites na malapit sa tribal area, na ang sabi takbuhan ng mga kriminal at terorista na kahit na pulis ay di mapasok.
Umpisa umaga, dapat lumarga kana para mabisita mo ang lima hanggang sampu na sites. Sa dami dapat maka-sampu ka para makompleto mo sana ang 65 na mabisita sa isang linggo, pero imposible. Meron isa lang dahil mahirap puntahan at makakalima ka kung nasa patag lahat. Yun nasa tuktok, once a month ko lang nadadalaw, kasi papunta pa lang dadaan ka sa natarik na bangin. Mangangamba ka din sa bawat biyahe mo na baka matyambahan mong makasalubong ang mga nangingidnap. Hingal ang inaabot ko, ako ang pinakahuli at ang escort na dumating sa taas, grabe, parang ayaw ko na!
Maganda ang relasyon ng Hapon sa mga Pakistani, pero kapag Americano, kumukulo ang dugo nila. Bagamat maraming tulong ang ibinibigay ng mga Kano, umiinit ang ulo nila kapag nababanggit ko si pareng George at pareng Barak. Pero bitbit-bitbit naman nila ang mga pasalubong ni Uncle Sam. Kaming mga Pinoy, feel at home, walang masamang tinapay. Ang kagandahan pa, maytiwala sila. Minsan sa palengke, meron na lang tatawag saiyo ng “kabayan!”. Dahil ang mga Pakistani at mga Pinoy ay madami ng pinagsamahan sa Middle East. Meron nga daw pinay doon na napangasawa ng Pakistani, katabi lang ng isang eskuwelahan, kaya lang hindi ko siya na-met, dahil mahigpit ang sila sa mga babae. Sayang nakakwentuhan ko sana. Ano kaya ang buhay niya doon? Mahirap siguro lalo’t na babae.
Every two months ang uwi namin sa Pinas, at one month na pahinga. Kung iniisip niyo na ganun pa din ang kinikita namin kung naka bakasyon, ay hindi! Hindi pa natatapos ang isang buwan gusto ko nang bumalik sa Pakistan, hindi sa may mga naiwan ako doon, kundi wala na naman akong datong. Ok sana ang dalawang buwan lang, pero tingin ko mas maganda kung apat o anim na buwan ang uwian. Kasi mas makakaipon, isang beses ka lang magpasalubong.

Si Sweetie ay palaging sabik sa pag-uwi ko kaya ako naman pakain ng pakain. Samantalang kapag anim na buwan, isa lang. Sa dalawang buwan parang tatlong beses ka nagagastusan. Puwera niyan, tuloy tuloy ang daloy ng trabaho, yun pinapagawa ma-monitor mong maigi. Minsan sa dalawang buwan, bitin ang nagawa, puro bilin, pagbalik mo halos walang pagbabago. Pagwala kami, hindi namin alam kung anong nangyayari, pa bandying-bondying sila.
Kayat ginawang dalawang buwan ang bawat uwi, ay para daw hindi kami maburyong o’ malungkot, dahil wala doon mapuntahang mapaglilibangan, walang kumukuti- kutitap sa gabi, kundi mga bituin sa langit. Ang libangan lang ay TV, buti naman may cable. Karamihan ng channel nagbibinta ng aliw. Kaya lang mga european channel. Kung tatawag ka, siguradong walang makakarating. Bawal na bawal ang mag-aliw sa Pakistan, wala ka ngang Makita babae sa bayan, kung meron man balut na balot at nakabuntot sa asawa.
Si Bondying at si Madam
Ang aming Team Leader ay si Shimano, isang taga Nippon Koei, matagal din siya nagtrabaho sa Pinas, kaya’t kabisado niya na ang aming mga galaw. Ang tawag namin sa kanya ay Bondying, pagwala, kasi pabilog ang mukha at kung lumakad pasadsad, napupudpud agad ang suwelas. Mabait at magaling makibagay sa mga Pinoy, naging kasundo namin agad. Siempre typical pa din na hapon na may sumpong. Madalas palaging may dalang nakakarton na shochu, soy sauce daw pagka papasok siya ng Pakistan. Minsan maydalang kaka-expired lang na Hapong pagkain, huwag daw kami mag-alala, basta “made in Japan” kahit ilang linggo na, okay pa din daw, pero minsan bumuburo-buro ang aking tiyan sa masarap na lutong curry niya.

Paminsan-minsan lang siya kung dumalaw sa Pakistan, siguro dahil yun lang talaga ang papel niya sa project. Di naman takot sa lugar, kaya lang napapansin ko ayaw niya umupo sa unahan ng sasakyan. Ang gusto niya lagi doon sa pinakapuwetan. Bihira siya sa Battagram, ngunit kapag may inuutos kami sa contractor o’ gustong tanggihan, kahit sa mga tauhan namin, palaging ang sinasabi namin, “yan ang sabi ni Shimano”. Pero sa totoo lang, sa aming desisyon na lahat, halos di na sya nakikialam sa aming palakad. Ang sabi niya sa akin, ”make me the villain always”
Meron kaming Admin Officer sa Islamabad, babae sya, walang takip ang mukha kapag nasa opisina. Masasabi kong maganda naman, pero kung ikukompara mo sa karamihan na pakistani, average lang siguro. Payat at mala periko ang ilong. Magaling umingles at mabait naman. Yun uncle nya ay parating nandoon nakabantay, tingin ni Nasir bantay-salakay. Siya yun repair man namin ng aircon at siya din nagrecommend kay madam sa opisina. Pero dahil sa dalas nya sa office, iba na ata ang kinakalikot. Walang makasabi sa kanya na wag palaging pupunta. Totoo kaya ang tsismis ni Nasir o’ nasira lang ang tiwala ni madam sa kanya? Sabi ni Nasir, meron silang ginagawang kababalaghan. Nadatnan niya daw kasi sa basement na nakahiga sa kama si uncle at si madam kinakalinga, bigla daw sinabi sa kanya ni madam, na sumasakit ang dibdib ni uncle.
Minsan pumunta ako sa quarto ni madam, para may-hingin at magpa-cute na din, alam ko nandoon si uncle. Pagpasok ko nawawala yun dalawa. Nagpakubli ako sa kabilang room at Inabangan ko. Kita ko sa salamin ang pinto ng CR. Gusto kong mapatunayan ang hinala ni Nasir. Ilang sandali pa, lumabas sa CR si uncle, at ilang minuto naman lumabas na din ang pamangkin niya, hehehe. Inisip ko na lang may pinagagawa sa CR si Madam.
Si madam na din ang tagabili ng alak namin, isang kahon na Carlberg, 100 dollars, yun Johnny Walker na pula $50, maliit pa yun, sa black market kasi. Ang mahal, kayat hindi rin kami makainom masyado. No’ng mag resigned siya, para sundan ang BF niya daw na nasa ME, ipinalit nya yung kapatid niyang lalaki. Ok naman, kaya lang naghahalimuyak ang amoy niya, matindi, napollute ang quarto, paglabas mo doon ka lang makakahinga.
Islamabad
Ang Islamabad ay isang modern city na. Malalapad na ang kalsada at bagong estilong mga gusali. Meron na din Mcdo, Pizza Hut, KFC at Subway. Puede muna pagpalitpalitin kung sakaling nagsasawa kana sa Biryani. Siguro four months kami nag-stay ditong tuloy-tuloy. Ang office namin ay isang malaking bahay at doon na din kami nakatira. May basement at dalawang palapag. Meron tatlong mga rooms sa basement at dalawa sa itaas. Kami lang tatlo ang natutulog doon, kami ni Rene sa itaas, at si Randy naman sa basement.
Tuwing mag-aalas dose, meron kaming naririnig sa second floor, kung hindi man sa kuwarto ko o’ sa room ni Rene. Parang hinahatak ang kama, na para bang inililipat. Magkakatinginan na lang kami at sabay tingin sa itaas na sahig. Hindi naman sa kapitbahay, dahil single detached ang bahay. Ang magkakapit-bahay naman may pagitan, kaya imposibleng ang tunog ay galing sa kabila. Hinahayaan na lang namin, pagpanhik namin ang mga kama ganun pa rin ang mga posisyon, hindi nagalaw. Pinuntahan ko din yung room ng aming janitor, wala naman mabigat na bagay na paghinatak mo gagawa ng ingay.
Minsan, isang gabi, mag-isa lang ako sa bahay. Parang binabangungot ako, hindi ko ma-explain kung gising ako o’ hindi. Parang dinadaganan ako ng malaking mama sa dibdib ko. Hindi ako makakilos at makasigaw, bangungot nga siguro. Buti na lang, to the rescue ang tatay ko, hinatak niya daw ako, at ako ay nagising. Umabot pa doon si papa Joe para sagipin ako. Kahit pala doon, meron din kababalaghan. Sa mga sumunod na araw hirap na ko matulog. Kaya’t noong dumating si Randy niyaya ko nang doon matulog na din sa quarto ko. Pero ganun pa din, hirap pa din ako. Dapat maaga pa natutulog na ko, kundi puyat ako sa ingay ng hilik ni Randy. Malakas, tuloy-tuloy tapos biglang titigil, kayat bigla ka mapapalingon sa kanya, mag-aalala kang baka inatake na. Siguro kung lalagyan mo ng pingpong ball ang nguso, makikita mong umaakyat-bumababa sa lakas ng hilik.
Apat na beses din kami lumipat ng bahay-opisina sa limang taon, yung pinakahuli malapit na sa subersibong Mosque, na kung saan nilusob ng militar, na maraming namatay na mga estudyante.
Nagtataka din ang JiCS bakit doon kami lumipat na delikadong lugar ng Islamabad. Nandoon din kami nang mapatay si Benazir Bhutto noong December 2007.
Pagkatapos ng paglusob sa Mosque, parang doon na nag-umpisa ang suicide bombings. Sa Peshawar madalas, mabuti sa Islamabad hindi gaano. Sa Battagram meron din, pero isang beses lang ang alam ko. Ilan beses din na nagkaroon ng mga suicide bombings na nandoon kami sa Islamabad. Isa diyan yun sa Marriott Hotel na meron Pinay na biktima. Parang nasanay na din kami, ang sabi na lang namin…”kapag oras muna, kahit nasan ka, magiging biktima ka.”
Umpisa umaga hanggang alas dose kami kung magtrabaho, siempre kasama na doon ang maglaro, makipag-chat at manood ng kung ano-ano. Ang pahinga namin ay kain lang. pagkagaling ng hapunan sa labas, pagbalik laptop ulit ang kaharap. Tumitingin ng mga scandals ni Randy ang isang mapaglilibangan. Wala pa noon FB, yahoo chat pa lang, pero hindi pa sikat. Mahirap maghanap ng ka-chat na kakilala mo na, papasok ka sa chat room, at madami kayong nag-uusap-usap. Dahil nakababad kami sa computer, yung pag-evaluate ng bidding documents ay isang araw tapos agad lalot na paulit ulit na bidding process. Bilib ang JICS sa bilis namin, kinabukasan may resulta na agad.
Walang mapaglilibangan sa labas, kundi ang mag-shopping sa F8. Halos naging kaibigan na namin ang mga tindahan doon, naging suki kami, mga feeling mayaman. Tindahan ng relos, shawls at mga pabango, ka kwentuhan na namin tuwing weekend, sigurado pag-uwi, may bitbit. Hinalughog na din namin yun market nila na parang Divisoria, mga gamit sa bahay naman ang naiuwi namin, kumot, punda at kurtina. Lahat ng mabibiling mura, bitbit na naming pauwing Pinas.
Tehsil Battagram
Ang project site ay 6-hour drive from Islamabad, papuntang norte at medyo lumalapit na sa Afghanistan. Maganda naman ang daan papunta, pero dadaan ka sa malabundukin na lugar, maraming magandang ambush sites, paano zigzag. Madadaanan yung Abbotabad, kung saan napatay si Bin Ladin.
Ang Battagram ay isang district ng province ng Khyber Pakhtunkhwa, malabundukin. Dinadaanan ng kurakuram highway na iyon din ang major na daan Patungong China. Binabagtas din ng malaking ilog ng Indus.

Ang aming field office ay nasa liblib na lugar ng Battagram, siguro dalawang kilometro galing sa highway. Doon na din kami nakatira, kasama sa compound ang pamilya ng may ari. Kaya’t kahit anong oras puede kaming magpahinga dahil sa tabi lang ng quarto namin ang silid opisina. At kahit ano din oras, puede kaming magtrabaho, lunes hanggang linggo, from 8 am hangang sa magpahinga kami. Mahina ang kuryente sa Battagram, patay-sindi, kayat nakaistambay lang ang generator. Pag-blackout, sindi agad. Nakailan din kaming generators, hindi tumatagal dahil sa dalas na gamit. Yun ingay ng generator parang music na sa pandinig namin. Umaabot ng 45 degrees centigrade ang init tuwing summer. Hindi kayang patakbuhin ng kuryente at ng generator ang aircon, kayat nagtyatyaga kami sa electric fan. Parang naka harap ako sa oven ang aking pakiradam sa init, buti hindi humid. Kahit anong init hindi ako pinagpapawisan na masyado. Yun nakasabit na ercon sa dingding ng opisina ay pang diplay na lang. Bumili ang opisina pero di napagana.
Tuwing winter naman, ang temperature ay umaabot sa minus 1. Madalang lang ang inabutan kong nag-i-snow. Parating nakalipas na at patunaw na ang yelo, pero sa paligid na bundok makapal pa. Kaya’t apat na patong ang suot ko, napaka lamig, meron naman kaming kanya kanyang heater sa quarto. Cooking gas ang nagpapatakbo, parang ihawan na nagbabaga, tapos hinihipan ng bentilador sa likod. Amoy gas ang kwarto dahil siguro sa singaw. Pero hindi ko na naaamoy, kasi manhid na ang ilong ko, maaamoy ko lang kapag lumabas ako, tapos pagbalik ko sa kwarto. Sigarilyo ang sinisinghot ko pag gising, pagtulog naman yun gas.
Ang taglamig ay nag-uumpisa ng November at magtatapos ng Marso, tapos spring na at balik sa tag-init. Kaya’t kami, sa limang taon, nasanay na, sala sa init, sali sa lamig.
Kapag winter ang hirap maligo, thrice a week na lang, di naman ako pinagpapawisan, at mahina namang ang aking amoy. Meron water heater naman kaya lang mahina ang buhos ng tubig. Kapag maulan, kulay brown naman. Maghintay ka muna humupa ang ulan para luminaw. Ang hirap din dumumi lalot na may kabigatan ka at kung may almuranas. Ang hirap magbalanse, siguradong lalabas ang almo. naka-squat ka kasi, hindi pang western ang inidoro kundi pang indiano. Yun tae sahod ng sahig, hindi agad sa butas, kayat naghahalimuyak ang amoy sa loob ng CR.
Tuwing may engagement o’ pamamanhikan, ang mga bisita may kanya-kanyang dalang baril. AK 47 karamihan. Pagkatapos ng pamamanhikan, ratratan na, kanya kanyang paputok pataas, bahala na kung may matamaan sa pagbagsak. Nagsisipagtalsikan ang bala sa lupa, nakakatakot pala.
Isang madaling araw, ang ingay sa labas ng compound namin, nagpuputukan ng baril. Bumuhat at kabado ako at sinilip ko, yun guwardiya namin ay parang wala lang. Lumabas si Randy, at tinanong ang guwardiya kun ano yung barilan na yon. Nakita ko lumabas ang guwardiya at natigil na.
Kinabukasan, nagkwento si Randy, sinugod niya daw yun mga nagpapaputok sa labas, kaya tumigil.
Minsan isang araw, nilusob ang kampo ng Save the Children mismo sa bayan ng Battagram. Sinunog yun kampo nila, at kinuha yung mga gamit.Natatanaw namin sa village. Ang balita, ang dahilan ay dahil yun mga nagtratrabaho ay magkakasama ang mga babae at lalaki. Ang akala namin mag-escalate ang gulo kaya’t lahat ng mga foreigners sa bayan ay pinagsabihan na umalis sa lugar at yun din ang advice sa amin ng JICS na lisanin namin agad ang Battagram.

Hindi agad kami makaalis kasi, hinintay pa namin si Rene na makatakas din sa lugar nya. Kayat ng dumating si Rene, nagbiyahe kami ng madaling araw papalabas ng Battagram. Pagkatapos na humupa na ang tension, bumalik ulit kami sa Battagram para ipagpatuloy ang aming trabaho.
Pagkatapos ng insedenteng yun, may pumunta sa aming ahente ng Pakistan Intelligence Agency, nagtatanong kung ano ang ginagawa namin doon at kung meron nanggigipit sa amin, siempre ang sabi ko wala naman.
Kahit mahirap at nakakatakot ang buhay namin sa Battagram, meron naman gabi-gabing pinaglilibangan, ang makipaglaro ng Upwords kay Beds, minsan nakakadalawa kaming games, lalo’t na panalo o’ tabla, mahimbing na tulog ang gantimpala sa magdamag.
Si Bin ladin
Ang Abottabad ay isang military city, at dito din matatagpuan ang Pakistan Military Academy. Halfway ito ng papuntang Battagram. Meron mga missiles at Tanke na naka-display sa daan. Dito din ako nagwi-withdraw ng pera at nagpapapalit ng dollar na pangsweldo. Dito din kami madalas kumain ng tanghalian kapag kami papunta o’ paalis ng Battagram.
Nong mapatay si Bin, maraming nagsabi na palabas lang ng mga kano at pakistani. Ibig sabihin fake news, drama lang daw. Ang sabi nila, si Bin ay matagal ng napatay sa Borabora, Afghanistan. Parang ganun na nga, kasi bakit nandon si Bin, eh military camps ang mga nandon. Parang mahirap paniwalaan nga, o’ baka nga naman kinukopkop ng pakistan military si Bin, kasi bakit na surprise atak sila ng Kano. Para pagkapirahan ba ang mga kano? Hindi naman siguro. Balak sana namin makiusyuso, after ng ilang araw, kaya lang naiwan yun lisensya ng driver ko.
May naghihintay na mga birhen
Ang Pakistan ay isang Islamic na bansa. Halos pari-parihas ang suot ng mga lalaki. Meron na din sumusuot ng pang-western na style pero napakadalang pa. Karamihan ay yung mga naka pagtrabaho na sa labas o’ kaya’y may kaya sa buhay. Ang mga babae naman ay naka suot ng Burka. Di mo makikita ang mukha, balut na balot at kulay itim pa. Pero sa Islamabad, meron ng mga babae na kita ang mukha. Mapapa-wow ka sa ganda, mala-birhen Maria ang mukha. Kapagtinitigan ka matutunaw ka sa ganda ng mata’t ilong, pero ingat ka lang ha, baka kasama ang mister. Pa-simple lang ang tingin, kung kaya mong tumingin na duling, gawin mo. Kundi delikado ka. Sa Battagram, kapag nakasalubong mo ang babae, magtatalikod siya, magpapatuloy lang kapag lumagpas kana, kahit na nasa sasakyan kayo. Bihira kang makakitang babae sa kalsada, kung meron an nakabuntot sa asawa at balut na balot.
Meron din mga katoliko, pero minority sila. Ang sabi, karamihan sa kanila mga mahihirap at palaging nakakadanas ng diskriminasyon. Nabobomba nga minsan ang kanilang simbahan. Maraming Pinoy ang nagsisimba, ang choir mga pinoy, yun ambasador natin, ay ala Pavarotti kung umawit sa misa.
Karamihan sa kanila ay Sunni Muslim, yun iba naman ay Shi’ite. Napaka-religioso, limang beses kung magdasal. Habang nag-iinspection kami, kapag oras ng orasyon, magpapahinto sa tabi ng kalsada para manalangin. Ang sabi ko na lang, “include me in your prayers”, para hindi ako mainip sa kahihintay sa kanila, meron na akong mga taga-pagdasal. Kapag biernes, siguradong maghihintay ako ng matagal sa sasakyan o’ sa project site. Yun iba talagang madasalin, kasi ang noo nangingitim, parang may kalyo, siguro sa kayuyuko. Inuumpog na ang noo para masabing madasalin.
Napag-uusapan din namin ang reliheyon pero umiiwas ako sa diskusyon. Minsan yun gwardia na Shiite at Sunni na driver na namin ay nagsapakan dahil sa ibang paniniwala. Sabi nila sa akin, magpa-convert na daw ako sa islam, yun pagiging maginoo ko daw (ehem) ay bagay sa isang muslim. Makakapasok daw ako sa langit. Parang narinig ko na din ito sa mga ibang sekta sa Pilipinas na kung hindi ako aanib sa kanila hindi ako maliligtas. Ang galing naman ng mga sales talk nila at sabi pa, maraming birhen na naghihintay. Kaya pala madaming nagpapakamatay, marami din nadadamay. Masarap sana maging martir, paano kung sa impiyerno ang punta mo? Birhin nga, pero itsura demonyo.
Kapag Ramadan, mag-iingat ka sa daan, maraming nagmamadali. Gutom dahil walang kain at tubig, umpisa sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog. Minsan ipagyayabang pa nila, ilalabas ang dila na tuyong tuyo. Pero meron din nagdadaya, sa drawer nila may nakatagong makakain. Pasimpleng sumusubo. Kahit kaming mga pinoy, apektado, walang makainan sa labas, hindi ka rin makapagsigarilyo, kasi nakakahiya at sisitahin ka ng mga panatiko, kaya kami nakakaraos na patago. Alas tres pa lang, uwian na sila, para magprepare ng hapunan. Kayat lugi ang nagpapasuweldo, ang iksi na ng pasok, lalot ka- fiesthana ilang araw lang ang walang pasok, pero dalawang linggo ang bakasyon.
Biryani, kabab, chapati atbp.
Tatlong beses din kami kung kumain sa araw-araw. Ang tanghalian ay ala una o’ alas dos ng hapon. Siempre walang baboy, mutton lang, baka, manok at kambing. Ang bigas, mahahaba, tawag nila basmati, masarap, buhaghag at hindi malata. Bihirang-bihira ang isda. Kapag may handaan, siguradong may biryani, madilaw na kanin at maraming sahog na manok.
.https://jacberinguela.files.wordpress.com/2020/02/img_0636.jpg
Sa restaurant ito ang parate kung kinakain. Minsan naman yun afghani rice na may pasas at may ilang pirasong baka. Isa pa yung kurma, nasa pasong parang kaldereta. Yung gulay, ampalaya lang lagi. Salad na kamatis, sibuyas, carrot at radish ay hindi nawawala.
Isa lang ang matinong restaurant sa Battagram, ang Thai Mila Hotel. Di naman thai food ang seneserve kundi lokal food pa din. Yun kasing may ari, nakapagtrabaho sa Thailand ng matagal, nang umuwi, itinayo nya yung restaurant. Medyo nga nainfluesahan na ng Thai, kasi maayos at malinis. Meron nang mga mesa at silya. Siempre kumpara sa iba, medyo may kamahalan. Kung gusto mong makamura pero may lasa din. Doon ka sa tapat na restaurant, dapat lang bilisan mo ang subo, kasi ang mga langaw nakikipag-unahan. Ang platong plastik, di nahuhugasang maigi, madulas dahil sa mantika. Kapag gutom ka, di mo na pansin. Walang mesa at silya, parang nakaupo lang kayo sa malapad na kama. Kung may rayuma ka siguradong sa Thai Mila ka nalang kakain. Sa kama na din inilalatag ang mga pagkain. Kundi naman sa sahig, sa malapad na banig. Malalasahan mo ang masarap na afghani food. Madalas din kami, kabab. Piniritong giniling na karne. Kapag kabab ang order mo, kakabahan ka, sa plato naman inilalagay kaya lang naka ibabaw sa dyaryo, siguro para madrain ang mantika o’ kaya ayaw maghugas ng plato. Ang sabi nga kapag colored ang dyaryo masarap ang kabab. Makikita mo sila nakakamay, dinidiinan pa ang pagkuha, halos mabura na ang balita.
Isang baso lang din ang iniinuman. Bawat mesa, meron water jug, nakaibabaw ang isang baso na gawa sa lata. Doon kayo lahat iinum. Yun kumain na sinundan niyo at yung susunod yun na din ang baso. Ito ata ay may connection sa religeyosong gawain. Dahil ako masilan, coke na lang lagi ang iniinum ko. Dapat daw yun maliit na bote, kasi yun litro, delikadong fake. Palagay ko nga nakakainom din ako ng fake, kasi amoy clorox, at lasang singaw. Sa karatig lang daw na bayan ginagawa ang coke na peke. Kundi ako maingat, magkakadiabetis o’ malalason ako. Kung hindi naman, magchae na lang. Tea na may gatas. Kung mahaba ang aming inspeksyon, at walang makainan sa daan, nagbabaon kami ng kabab at chapati. Yun kabab naka balot sa dyaryo, yun chapati naman naka rolyo sa dyaryo. Wala kang magawa, kundi kumain na lang o’ magutom.

Pagdating namin sa project, sasalubungin ka ng maiinit at masarap na chae. Kaya lang yun tasa, binubuhusan lang ng tubig, papaikot-ikotin sa tasa at sabay tapon, ayun malinis na. Lahat ng trabahador doon umiinom. Talaga makikisama ka para lang makuha mo ang kiliti nila, para kung meron ka iuutos o pagagawa sa mga trabahador, madali. Susuklian ko na lang ng pag-offer ng sigarilyo. Dito naman nababawasan ang nauubos ko sa araw araw. Mahigit isang kaha para labanan ang lamig, lungkot at stress sa araw araw.
Minsan nainbitahan ako ng aming admin officer sa kasal nya. Sa bahay nila ang reception. Buong bahay nilatagan ng banig, at doon ang kainan. Harapan ang bisita, ang haba ng linya. Inihain yun mga bandihadong malalaki, akala ko pizza, yun pala biryani, madilaw at ang daming sahog na manok. Sa tingin ko masarap at gutom na din ako dahil sa haba ng lakarin papunta sa bahay nila. Nilatag din yun salad, madalas ay pepino, puting sibuyas at radish at isang bowl na yogurt. Anim kami magshare ng isang bandihado. Hinihitay ko bigyan kami ng tig-iisang plato at kutsara, ngunit wala, paglingon ko ibinuhos ng katabi ko yung yogurt sa biryani at hinalo ng kamay niya, napa-ngek na lang ako. Pinagsaluhan namin ang isang bandihadong kinamay na biryani, kanya kanya kaming hawi ng isusubo, masarap naman. Pagkatapos sinupsop pa yung mga daliri nila. Mabuti na lang tig iisang softdrink naman, kundi baka masuka na ako.
Kapag bumili ka ng karne sa palenke, nakabitin sa labas ng tindahan. Maraming nakadapong langaw. Kapag binugaw mo baka malaglag, parang inililipad na. Ang manok talaga fresh, buhay nakadisplay, kapag bumili ka at ipapakatay mo, ang bilis, wala pang isang minuto dressed chicken na. Walang mainit na tubig para tanggalin ang balahibo. Pagtanggal kasama na ang balat, undressed chicken talaga, puro laman na lang makikita mo. Yun isang kilo nung tinimbang buhay pa, naging kalahati na lang matapos katayin. Una, duda ako sa cook namin, kasi pinabibili ko ng isang kilo, pagdating nya ang tantya ko kalahati lang. Kaya pala isang kilo noong buhay, kalahati na lang ng kinatay, nawala yun ulo, adidas, laman loob at balat.
Kung saan kami abutan mg tanghalian, sa restaurant na kami kakain, palaging sagot ko, kahit na yung contractor minsan ako pa ang nagpapakain. Hinihintay kung bumunot, ang bagal.Kaya’t minsan ayaw ko na lumabas sana, kaya lang nakakainip tumambay sa opisina, dapat puntahan mo, kundi usad pagong ang trabaho.
Nazwar, hashies at marijuana
Maraming tumutubong marijuana sa Battagram, nagkalat lang sa tabi ng kalye at bahay. Hindi naman pinapansin nila, sinubukan ko parang mahinang klaseng tanim naman, kung ikukumpara mo sa binibenta dito. Ang sikat doon ay ang Nazwar, hindi naman bawal ito, karamihan sa mga lalaki ay nagnanazwar. Nabibili lang sa tindahan sa isang maliit na plastik, inbes na sigarilyo. Itoy parang nganga, nilalagay sa gilid ng bagang. Hindi ko siya nasubukan, kasi parang nandidiri ako sa amoy. Parang dinurog na dahon na kapag nilagay mo sa nguso daw medyo nakakaramdam ka ng iba, siguro nakaka hign din. Makikita mo sa daan maraming dura, dahil sa Nazwar.
Minsan sa isang inspection namin, yun isang tao ko, sa sasakyan, kasama ko yung bodyguard ko. Kumuha yun engineer sa bulsa nya, di ako pamilyar kung ano. Kumuha siya ng kaunti at nilagay nya sa gilid ng barya at sabay sinunog at pagkatapos nilagay nya sa sigarilyo inihalo sa tabaco at sinidihan.

Pinahihithit sana ako pero tumanggi ako at tinanong ko kung ano yun. Ang sabi niya hashies, nabigla ako, maykasama pa naman kaming pulis. Pero yun pulis parang wala lang. kinabukasan sinabihan ko yung tao ko na wag gagawin yun lalot na taga JICS tayo. Kayat noong nagpaalam sya magbakasyon sa Dubai hindi ako nagdalawang isip na payagang umalis. Sabi niya babalik lang siya. Pagdating nya sa Dubai, ilang araw lang, sinabihan kong maykapalit ka na.
Shoukat Khan & Co.
Halos magkakalahating taon bago naumpisahan yun mga sub-projects. Kasi sa bid evaluation pa lang maraming sumablay, paulit ulit, kung hindi sa over price, kulang sa karanasan. Meron naman isa, masigasig sumali, pero sa technical evaluation palang ilang beses na sumablay. Kaya’t para pumasa, sekretong tinuruan na namin kung paano ma-qualify. Nong manalo, dummy lang pala siya, wala naman kumpanya. Kunyari JV partner. Dahil desperado na din kami, sa tagal ng bidding na paulit-ulit, walang ibang contractor na sumasali, inaward na lang namin doon sa partner nito, na sa tingin naman namin matino.
Ang package 5A ay naaward sa Shoukat Khan Construction Co. Siya ang may pinakamababang bid price, pero yun kapasidad nya ay kadudaduda. Wala siyang experience gaano sa building construction, 45 sites ang napunta sa kanya, mas marami kaysa sa package 5B na hawak naman ng Astron Construction Co. Silang dalawa din ang nakakuha ng Package 6 ni Rene.
Ang hirap pasunurin, ang sabi namin dapat pula ang bubong, para nagrerepresent ng bilog sa bandila ng hapon, ang binili kulay puti. Pipinturahan nya na lang daw ng pula, wala pang isang taon, nagbabalat na ang pintura, kinalaunan bumalik din sa puti ang kulay.

may-utos ka, palagi ang sagot “inshallah!” Kinabukasan wala naman na accomplish. Ang sabi namin, ayaw naming ng sagot na “Inshallah, we want action, say yes! May usapan kayo sa isang site, umakyat ka ng bundok, pagdating mo hindi darating, ni-isa walang nagtratrabaho. Pero pagdating sa paniningil, mabilis pa sa alas-quantro, pagbabantaan ka pa. Ilang beses din niya akong sinubukan kausapin na may suhol, hindi nya ako mabili, tulay ang aking mga tauhan, pero hindi siya nagtatagumpay.
Nagkakailan din nagpalit ng PM sila, nag-umpisa sa original, pinalitan ng taga-labas na equal or better, pero hindi rin tumagal, pinalitan ng betterer, nagresigned din agad, tapos pinalitan ng dating co-team leader namin na pinaresigned sa amin, Ilang buwan lang pumalit yun surveyor nila, hangang pumalit yun pinsan na lang ng may-ari, na minsan naging foreman. Kahit na lang sino, puede na, basta maka-deliver lang ng pagbabago. Nawala na yun equal or better na patakaran.
Ang Astron, mas mabuti-buti, mas maykalidad ang trabaho. Nahahawa na lang ni Shoukat sa kabagalan. Kapag sinita mo, sasabihin naman saiyo, “why Shoukat?”
Big Bang!
Minsan nasa weekly meeting ako with the contractor, sa opisina namin. Summer noon, ang temperature umaabot sa 42 degrees siguro, alas dos ng hapon. Usually yun project manager ang nag-aatend, may kasamang isang Engineer. Kami naman ng mga staff ko. Meron pinapakiusap yun manager na sana approbahan ko. Hindi ako pumapayag, dahil hindi pabor sa project. Ang hirap pagbigyan. Hangga’t sa nagtalo kami, nagtaasan ng mga boses. Sa kakadiskusyon namin…nagkaroon ng malakas na pagsabog sa aking katawan, bang! tingin agad ako sa katawan ko, kinapkap ko ang bulsa ko kung saan maysumabog. Nakuha ko basag na lighter. Akala ko binaril na ako. Hindi ko akalain na sasabog ang lighter na ganun na lang. Siguro sa init ng panahon, init ng aking katawan at init ng aming pinag-uusapan, sumabog ang gawang China na lighter…napangewi na lang yun ka-meeting ko, at sabay beeehhh…Siguro sa loob nya…yan ang damot mo!
After ng meeting na yun, nagbabata na yung Contractor, sabi sa mga tauhan ko pakikidnap daw nila ako, ganun din ang sabi sa akin sa telepono. Nauuso ang kidnapan sa Pakistan noon. Kaya lang ang sabi naman sa akin nila, huwag akong maniwala, nanakot lang sila para pagbigyan ang mga kanilang kahilingan. Malakas ang loob ko kasi meron naman akong bodyguard, na palaging nakabuntot, gusto pa nga akong sundan sa CR.
Isang araw noong wala ako, nabalitaan ko na lang na ilang tauhan ko binugbog yun isang sub-contractor namin, na kapatid ng dating AO namin. Nakakabahala kasi yun nakaaway nila ay taga doon mismo sa lugar. Ang mga tao ko ay lahat dayuhan doon. Kaya’t dali-dali akong bumalik sa Battgram, at nakipag aligro. Tinipon ko sila lahat kasama yung tagaJICS, pinagkasundo ko. Naligo sila sa sermon ko, akala nila napakatino ko, hehehe. At naayos naman.
Hindi lang gulo sa pagitan ng contractor at kami, kahit na sa loob namin ay nag-aaway-away din, nagkakainggitan at siraan, hindi mawawala sa isang Pakistani. Ako ang taga-absorb ng mga baho nila. Minsan umagang umaga, dumating yun tatlong inspectors namin, gusto daw makausap si Shimano. Sabi ko sa akin muna sabihin, nerereklamo, nila yun assistant ko na may katiwalian na ginagawa. Hindi na kami nagkaintindihan, nagbabanta silang magreport sa pinakataas sa ERRA. Pinipigilan ko na wag gagawin at pag-usapan muna, hanggang sa uminit na din ang ulo ko. Si Shimano, parang wala lang, ayaw nya makialam, hangang sinabi ko sa kanya na iterminate na natin yung tatlo at sabay silang umalis. Ilang araw meron ng report daw na nakarating sa JICS na nerereklamo nila yun isang kasama namin at nagkaroon inbestigasyon sa loob namin. Pinatawag namin yun pinaka boss nila at nag-inbistiga sa mga tao nila. Pagkatapos nag-usap usap kaming panatiliin na lang dahil sa tiwala din namin. Siya yung pinakaunang tao namin, na nagkaroon kaming tiwala. Tinanong din namin yun ibang tao namin tungkol sa kanya at wala naman silang nasabing kontra, puera sa tatlong umalis.
Deodar
Ang mga gusali naming itinatayo ay gawa sa semento at yerong bubong. ang mga kisami, hamba, pinto at bintana ay dapat Deodar na kahoy. ang Deodar ay special na kahoy sa Pakistan, mabango, matibay at magandang gawin na furniture. Ang hirap na hanapin sa lugar. Sabi nga sa akin, diba kayo nasasayang, mauubos ang puno sa Battagram kapag deodar ang ginamit. Malaking tablon ng kahoy ang idenideliver sa site para gawin sa project namin, kaya lang nauubusan nga.

Minsan ang mga kinakabit hindi na deodar, makatapos na lang. Dahil sa kahoy na ito, sanhi din ng bagal ng trabaho. Hindi ko naman alam kung bakit deodar pa, pede naman ordinaryong kahoy, plywood o’ steel framing para sa bintana. Noong huli, nagbubulag-bulagan na lang kami at kapag-inamoy namin amoy deodar kunyari. Kung tunay man na deodar may damage at bukbokin na, parang ilong ni piduts, nagkakaubusan na kasi.
Ang mga recipients ng eskuwelahan at health facilities ay mga reklamador at makukulit, ang daming mga request gusto dagdagan pa ng kwarto o’ building. Pero after na magawa napapabayaan naman,

dumi-dumi. Minsan isang doctor shelter, natulala kami ng pumasok kami. Nangitim sa usok ang kitchen, paano ba naman sa loob mismo nagsiga ng kahoy, na kapipintura lang.
Huling mga araw sa Pakistan
Ako na lang ang natitirang Pinoy, sa natitirang ilang buwan. Si Rene at Randy tapos na ang mga hawak nilang package. Ako na din ang naging AO noong huling taon, nagtitipid na din ang project. Yun credit lines namin ay pinaclosed ko na. Na Monitor ko na ang gastusin namin para makatipid. Napababa ko na din ang consumption ng gasolina. Ako na mismo ang nagpapakarga kapag may site nspection ako. Duda kasi ako na parang mabilis maubos. Panay ang change oil, buwan-buwan, mmmnn. Yun isang inspector namin minsan naniningil ng pinanggasolina niya daw, eh sabi ng guwardiya, di naman pumasok, kayat minsan sinita ko, at biglang inagaw sa akin yun resibo nya, natakot din. Kinabahan din ako, akala ko makikipag-away sa akin, sabay layas pagkakuha nya ng resibo.
At ng huling linggo na lang, dumating na si Bondying. Napansin ko mainit ang ulo, tinatapos ko na lang ang last billing ng contractor at pabalik na kami sa Islamabad, mahabang paalaman sa may ari ng bahay at mga nakasama namin doon, nakakalungkot din. Si Shoukat tumawag pa ng paalis na kami, sabi niya, humihingi daw siya ng tawad sa nagawa niya sa amin sa pahirap na dinanas namin sa project. At nagpapasalamat na din ng marami. Nakokonsensiya din, ganun din yun ilang tao ng kabilang contractor, sumulat daw kay Rene na humihingi ng despensa,sa mga nasingil nila na di naman dapat bayaran.
Ramdam ko nga ang sumpong ni Shimano, kayat sa unahan ako umupo at sya sa likod, noong paalis kami ng Battagram. Kinabukasan, doon na ko nagwork sa opis ng Contractor kasi wala na kaming office sa Islamabad, kasama ko siya. Mainit pa din ang ulo niya at nagdadabog. Sabi niya sa akin, aalis daw muna siya at pupunta sa embassy, dapat daw tapos na pagbalik niya. Nong bumalik siya, hindi pa kami tapos at nagalit na, suspetsa ko pinaghihinilaan nya ako na nakikisabwatan sa contractor.

Nainis na din ako, napagsigawan ko na din, na hindi ako nandadaya, inaayos ko lang para mapasa na sa JICS na tama at maayos. Nagulat din yun cost engineer ng contractor na katulong ko. At kinakamol na din ako sa galit, sabi ko pa… di ko na tuloy magawa ito, sa ingay mo, sabay tapon ng ballpen sa lamesa. Biglang tumahimik siya at patuloy sa paghintay. Suspetsa ko kayat mainit ang ulo niya, baka na kwentuhan ng JICS ng pagkakamali ko sa isang variation order na pinasa ko sa kanila, akala nya siguro since pauwi na kami nakikisabwatan ako sa contractor. Sa totoo lang, nagkamali talaga ako noon, ang JICS ang nakapansin at nacorrect naman namin. Noong matapos ko, nagtanghalian kami, nagsorry na din lang ako sa kanya, sabi ko pasensya na taranta na din kasi ako. Mamaya pabalik na kaming Pilipinas.
Noong matapos ang project, nagkaroon ang Shoukat Khan ng maximum liquidated damages ng 15% at ilang porsiento din sa Astron, Matagal din pinagtalunan, at nagbanta ang SKC na idudulog nila sa arbitration sa France, pero wala naman. Excited sana kaming makapunta sa Paris. Kung susumahin, mas malaki ang na-saved ng JICS dahil sa natanggap na multa sa dalawa, at dahil din sa mga binago namin sa construction, kahit na madaming nadagdag na nagawa, masbumaba pa sa budget cost ng project.
Dalawang maleta ang dala ko. Tuwing uuwi ako na kasabay ko si Shimano, palaging naka dikit at nagkukubli ako sa kanya, iwas inspection ng bahahe. Ang hirap kasing bulatlatin, lalo’t na punong-puno. Kapag Japanese, walang inspection, kapag Pinoy mahigpit sila. Meron daw kasing Pinay na nahuling may dalang hashies papauwi, kaya’t hinigpitan nila. Yun nga, hindi pa rin ako nakaligtas, kaduda-duda kasi ang maleta ko sa bigat at tumutunog talaga sa scanner nila. Pagbukas ko ng maleta, nagulat si Shimano sa laman, bumili pa daw akong kaha de yero at mga tools. Sabi ko na lang, yun sa office yan inuwi ko kaysa iiwan ko sa kanila. Hiyang-hiya ako sa kanya, hindi ko kasi sinabi, samantalang siya isang bagahe lang. Hirap na hirap akong ibalik ngayon sa maleta, lalo’t na maraming pasaherong nakatingin.
Nong dumating kami sa NAIA, hindi rin pinalagpas si Shimano sa custom. Pinabuksan yun maleta niya. Ang sabi agad sa kanya, bawal ang mag dalang pornographic materials sa Pilipinas. Buti na lang nandoon ako, ginamit ko ang charm ko, hehehe, pinakiusapan kong matagal na siya sa Pinas at kilalang kilala ko. Pinalusot na lang din siya. Sa loob ko lang nakaganti ako sa kanya, parang hiyang-hiya din siya na may dala siyang mga babasahing pangpalibog.
Pagkatapos ng project ay pinarangalan ng Nippon Koie ang aming project na best project ng 2011 sa pangunguna ni Shimano. At noon din taon na yun pinadala kami sa Tokyo para gantingpala sa matagumpay na project ng Nippon Koei at Philkoei.
Ano ba ang namimiss ko sa Pakistan?
Una siguro yun four seasons nila, lalot na kapag spring, pagkatapos ng sobrang lamig, makikita mo nag-uusbungan na mga dahon at mga bulaklak. Nakakamangha, kasi ang bilis, yun dating kalbong puno, unti-unting lumalago. Katamtaman lang ang lamig, kayat magandang mag-ikot sa site at umakyat ng bundok. Yun kulay ng mga puno, tuwing Autumn, ang gandang magpapicture hanggang sa maglaglagan ang mga dahon at makalbo at biglang lalamig na. Yung hale snow na kumakalabog sa bubong at ang init ng summer, kahit sobrang init di ka pagpapawisan.
Pangalawa ang pagiging friendly nila at hospitable din. Siguradong magse-serve sila sa bisita. Ma-entertain din, araw araw kamayan kayo ng kamayan, paggaling ko sa Pinas, magyakap pa.
Yung may tiwala sila sa Pinoy, yun nakikinig sa mga payo ko. Minsan nag-aaway-away sila, ako ang tagapamagitan, pinagsasampal ko ng sermon. Parang ang galing ko sa kanila. Nagkasundo at nagkaintindihan dahil sa respeto nila sa akin, nakakabilib ako minsan.
Yun Baryani, kabab at kurma, nakakamis ang lasa. Yun kanin na may pasas at ilang pirasong karneng baka, nauubos ko ang nakabandihadong kanin sa Afghan Restaurant sa Islamabad.
Yun Johar Josanda na tea, mainam sa sipon, fifteen kahon ang iniuuwi ko, inaalis ko lang sa kahon at nilalagay ko sa sako ng basmati. At ang mga bilihin na mura lalot na gamot at kung ano ano pa.
Nasaan na sila ngayon?
Si Shimano ay nagretired na sa Nippon Koei, pero patuloy pa din sa pagtrabaho bilang consultant. Paminsan-minsan bumabalik sa Pinas para sa maiksing assignment. Nagkakasalu-salu pa kami.
Si Rene ay kinuha na ni Lord noong Sept. 2017 dahil sa sakit. Bumalik siya sa Pakistan para sa isang project pero nagkasakit doon na hindi malaman kung anong dahilan. Habang nasa hospital sa QC, inatake sa puso. Naiwan ang kanyang asawa at tatlong anak.
Si Randy ay kasalukuyan nasa Myanmar sa isang project ng PKII. Marami nang project sa labas ng Pilipinas, after ng Pakistan.
Si Tufail, Noor, Saeed, Muhammad, Nasir, Aftab, Javed, Niamat, Rehman, saiful, Ahmad at iba pa, patuloy na nakikimusta sa akin. At madalas mag comment at like sa mga posts ko sa FB. Nakakamis ang samahan na nakaraan.
Si Muhammad Ayub na isang tauhan ng Astron ay araw-araw na walang patid na nagpapadala ng pabating magandang umagang na maylitrato na mga bulaklak… thank you brother!
Ang mga natapos namin na health and school facilities
1- BHU Battamori
2. BHSS Battamori
3. BHU Thakot
4. BHU
5. BHU
6. BHU Jozz
8. BHU