Si Gloria, si Yolanda at si Glenda

Typhoon2

Hayyyy… panahon na naman ng bagyo, Katatapos lang ng isa, meron na naman agad kasunod. Kailan lang nakaabang ako kasi ang bagyong nakaraan kapangalan ng aking paboritong pamangking si Glenda. Dasal ko kasing hinhin nya lang, wagna  ang kanyang kasexykan.

Natatandaan ko ang pangalan ng bagyo noon ay yung makalumang mga pangalang pangbabae, karamihan nagtatapos sa “ng”. Lahat atang kapitbahay namin ay naging kapangalan na ng bagyo. Si tiya Consing, T’sang Loleng, t’sang Yuling, t’sang Ester mga kapitbahay namin. Ngayon, moderno at may pangalang lalaki na, baka nga balang araw ang Adonis, maging sikat na pangalan ng bagyo dahil sa kisig nya. Sa dami ng bagyong dumadaan sa Pinas, umuulit pa ang  alphabet sa dami minsan, darating ang panahon baka dala-dalawa na din ang pangalan…gaya ng Juan Miguel o’ Jose Adonis. Di ba sosyal ang dating? Di rin malayong magkaroon ng da third, da fourth. O’ kaya ipangalan sa mga kurakot ng bayan natin. Gaya din ng naunsaming plano ng sikat na kompanya ng alak na gamitin ang pangalan ng ating mga bayani.

Di gaya ng ibang mga kalamidad, ang bagyo ay nag-iisang binibinyagan, siguro kasi meron itong buhay, may mata, gumagalaw, tumatakbo may direksyon, samantalang ang lindol wala nyan. Mayhininga at may tubig na ibinubuga. Unti-unting nabubuo’t lumalakas, unti-unti din humihina hangan sa matunaw. Nasa ibabaw ng mundo, kayat may sariling galaw. Samatalang ang lindol, nakapaloob sa mundo, di mapredict. Nabubuo daw ang bagyo dahil sa pagtaas ng temperatura sa gitna ng karagatan. Ikaw naman kaya ang uminit talagang mag-aalburuto ka. Ang latest na tsismis, ang malakas daw na bagyong Yolanda ay isa daw man-made, gawa ng mga walang magawang tao kundi guluhin ang mundo. Pilipinas pa ang napagdiskitahan, mga hayop na ‘yan ger. Bakit di na lang yun swapang na kapibahay ni Juan, maitaboy lang sana pabalik sa kanila. Sana nga ang lumalakas na lakas nito ay gawa ng global warming, hindi ang init ng ulo ng iilang tao.

Sa balita noon, palaging banggit ang mga lugar ng Virac, Casiguran, Samar, Batanes, pulilio island, kasi ito ang madalas na dinadaanan ng bagyo. Nababanggit lang ang iba kapag talagang sapul na sapul ang lugar. Ngayon, lugar sa Mindanao madalas na. Ang storm surge ay bago sa pandinig ng pinoy, kay Yolanda lang ito sumikat. Maraming nasawi noon sa tabi ng dagat, ang balita nasawi sa baha. Kay super typhoon Yolanda maraming namatay sa storm surge, hindi naman daw sa bagal ng aksyon ni Pnoy. Ang lakas ni Yolanda ay dahil na daw sa pag-init ng mundo, ayun sa ibang pananaw. Ang bagyong Gloria malakas din, pero bulsa ng bayan ata ang mas nabiktima!

Isa sa pinakamalakas na bagyong naranasan ko ay yung Sening (Joan), 1974, grade 4 pa lang ako noon sa Naga. Talaga ramdam ko ang bagsik ng hangin, sumisipol, bawat hampas, kumakalabog ang aming dingding na kahoy. Ang yero parang sineselendro. Nakakatakot, nakakakaba at nanginginig kami sa ginaw. Huminto sandali ang hangin at ulan at ang mga tambay ang sabi… “ito ba ang super typhoon?” At pagkatapos ng ilang minuto, nag-umpisa ulit, ang baha sa loob ng bahay ay hangan baywang ko na, di naman kataasan pa kasi 10 years old pa lamang ako noon. Yun pala, dumaan lang sandali ang mata. Ang sabi ng ama ko, akala nya daw dilubyo na, dahil sa lakas ng hangin at umabot ang baha hangan dibdib nila. Nagliparan ang mga bubong, mga antena dumapa, ang putik nagkalat. Dalawang buwan walang kuryente sa Naga. Pero nagsurvived ang karamihan, mabuti, nakapaglikas kami sa kapitbahay.

Noon parang hindi masyadong umaasa ang tao sa agad na tulong ng gobyerno, bawat tao kanya-kanyang kilos maibalik sa normal ang buhay. Di gaya ngayon, karamihan asa sa gobyerno, nakaabang sa tulong ng iba, dahil siguro masmadaming mahirap ngayon.  Buwan ang binibilang na walang ilaw, pero ngayon ilang araw lang…parang taon na. Mamamatay sa tagal na low bat.

Kaya’t ang bawat bagyo nagiging sikat dahil sa pangalan nito. Napagkakakitaan, lalo na kapagmalaki ang dalang perwisyo. Ang mga epal malayang nakakapag-epal, nagagamit nila ang pangalan, wika pa yan hangan kampanyahan. Masgusto pa nga nilang siguro ang super-typhoon ang bagyo, kasi doon sila nakakaepal, ang ibang relief, madidisbelief ka kung sa’n napunta. Ang mga networks nagpapaligsahan sa mga donasyon, mataas na rating ang habol. Kaya’t ang mga ito ipinagdarasal ang kabagsikan.

Noong unang araw ni Glenda, wala nang pasok, inaasahan ng karamihan ay mararamdaman na, ngunit panakanaka lang ang ulan, no’ng umaga pa nga lumabas pa ang haring araw at wala rin unusual na lakas ng hangin. Siguro laking galit ng mga namamasada, kasi walang masyadong pasahero. Nagngingitngit sila sa PAGASA, isa na naman bang maling hula nila? Di naman siguro, napaaga lang ang pagdeklara na walang pasok para siguro makahanda o kaya’y di masisi kung sakali mang mangyari ang di inaasahan. Ito ang natutunan natin kay Yolanda na dapat laging handa. Sa daming dumadaang bagyo sa Pinas, mabagal tayong natuto. Ngayon malaki na din improvement ng paghahanda. Kaya lang ang bubong ko ilang expert na sa yero ang umakyat, hangan ngayon di maremedyuhan ang problema sa tulo. Kaya nga ang bubong ko malamapa na, 7,100 isla na tapal ng Vulca seal. Naisip ko na di nalang tanggalin ang tabong nakaabang sa kwarto namin dahil laging may bagyong darating at least sumusunod ako sa panawagan na dapat handa.

Sa kabila ng lahat ng kadiliman noong nakaraan, dahil walang kuryente at wala din internet! Nalobat dahil sa haba ng blackout. Sa kabila ng ganyan, time naman na makapagbonding ang family. Sardinas at tuyo, solve na solve ang tanghalian at hapunan.Timing din kasi wala talaga kaming pamalingke. Ito ang kagandahan din ng may bagyo, lalot na matibay ang iyong tinitirahan. Kwentuhan at bolahan, kung hindi sa bagyo di ko malalaman na may nanliligaw na kay Ninay, bigla tuloy akong gininaw…signal no. 3 ang aking pakiramdam!!!

Palagay ko meron magandang magagawa ang bagyo dito sa Pinas, Ano kaya kung gawin nating tourist attraction ang bagyo. Gaya ng volcano, kapag sumasabog dinadayo. Bakit naman ang bagyo, puede din maka attract ng mga dayuhan para ma-experience nila ang lakas ng hangin at tubig na dala nito. Diba naiiba tayo…disaster, nagiging it’s more fun in the Philippines.

Sa dinami-daming sakuna na dumarating sa Pinas, di tayo mawalan ng pagasa, ano man bagwis nito, dahil dito ang isang biktimang lugar nakikilala sa daming nakikiramay. Yung mga dating walang pakialam, kinalabit para makatulong sa mga nangangailangan. Yun lugar na di inaabot ng batingaw, ngayon napupuntahan. Yun dating walang asensong nakikita, maypag-asa dahil sa dumarating na ayuda at kalakal. Yung mga lumang gusali, napapalitan at nadadagdagan. Kalsada lumuluwang at humahaba. Yun mga walang kapag-asaasa bago pa ang sakuna, nagkakaruon ng malaking hinaharap. Nasalanta man pansamantala lang, kasi may kapalit naman na bagong buhay at bagong pag-asa. Kayat wag mag-alburuto, itoy paalala lang ni Lord, na tayo ay may kahinaan, wag yumabang at swapang. Umasa lang sa kanya! Di natin mapipigilan ang bagyo, pero puede natin labanan ang lakas sa pamamagitan ng di paglapastangan, pairalin ang pagmamahal sa inang kalikasan.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.