Noong may trabaho na ako, 36 Pesos lang ang sahod ko araw-araw, pero kung mag-inuman kami MWF o’ kaya TTh, Lahat naman kaming magkaka-opisina’t barkada pare-parehas arawan, pero sagaran kung mag-inuman, lalo’t na kapag sahod. Lahat kami mga binata pa, hindi nag-iisip kung ano ang kinabukasan, ang iniisip, bukas mag-iinuman na naman. Sabi ng ate ko, kapag maaga ang uwi ko…”may sakit ka noy?”
Minsan isang araw, naimbitahan kami ng bagong kasal na ka-officemate namin sa bahay nila sa Caloocan. Payday noon. Bumuhos ang Tanduay Rum, kung sahurin nong isa, akala mo mauubusan. Iba daw ang tama ng Tanduay at ako din hindi sanay sa rum. Puno sa baso kung tumagay. Nasagad kaming lahat.
Nang uwian na, yun isa na kung tumagay parang nakikipag-unahan, naboryong, nagpasaway sa kalye. Ang ingay, pero hindi naman naghahamon ng away. Noon ko lang siyang nakitang nagkilos na para bang adik ang itsura, nagtatatalon, na parang may kinatatakutan at nandidilat ang mga mata. Maiinis ka, lalot na nasa kalye kami na malapit sa Monumento at delikado. Para kaming naglalaro ng pantintero sa gitna ng kalye. Hindi mo naman puedeng pabayaan, baka mapahamak, o’ kaya masagasaan, wala kaming ibang ginawa ang sumaway at pigilan habang naghihintay ng masasakyan.
Hindi nakapagpasensya ang isa namin kasama na lasing din, susugurin na sana at uupakan. Kaya lang, mabilis namin nahawakan ang polo niya, muntik ng makaalpas, natanggal ang ilang butones ng polo at napigilan. Nakakatawat, nakalabas na tuloy ang pusod niya, habang sumisigaw, nakahawak kami sa magkabilang kamay niya. Dalawa na silang maingay sa kalye at pasaway. Hindi makuha sa pakiusap ang dalawa, nag-pupumiglas, at ang sabi nong isa bitawan niyo ko. Ang sabi naman nong isa… huwag niyong bitawan yan, ako ang bitawan niyo! Ang sarap sanang hayaang magsuntukan at magpagulong -gulong ang dalawa, pero mga dayo kami sa lugar. Kami naman, ang mga tagaawat. Yun isa nagtatrapik na, bagong dating pa naman galing Dumaguete, naisama lang, nadamay na. Nasa gitna na kami ng kalye at namumuo ang trapik. Lahat ng dumadaan humihinto at nakikiusyuso, para na kaming mga payaso sa piryahan.
Walang kaano-ano, meron dumaan na owner jeep pagkalagpas ng kaunti, umatras at huminto, sumonod ang dalawang patrol cars. At mabilisang lumabas lahat ang mga unipormadong mga pulis. Ang iba naka-civilian na damit at may mga panyong nakatali sa ulo. Nakakasilaw ang umiikot na ilaw na pula ng mga patrol cars at ang ingay ng sirina. Tinutukan kami at agad pinatayo kaming siyam sa side walk sa tapat ng isang building. Pinataas ang aming mga kamay at isa isa kaming kinakapkapan. Noong kakapkapan na yun pasaway namin na kasama ay biglang kumaripas, wala talaga sa katinuan. Agad kong hinabol kasi nasa dulo kami ng hanay, nag-alala akong baka barilin. Sinundan kami ng dalawang pulis at nakorner kami sa tabing parking space ng Meralco. Nakita ko binubogbog yun kasama ko, sinuntok sa tiyan at nagkakailan sa magkabilang hita. Ako naman kwenilyuhan ng isang pulis at hindi ako makakilos. tapos, kinapkapan, binaliktad ang mga bulsa ko at kahit na yung sekreta, piningger. Napansin ko, kinuha ang wallet ko sa likod.
Pinabalik kami doon sa hanay, inalalayan ko yun kasama ko na parang nagkamalay na. Pinatay na ang sirina at yung hepe, nag-umpisang magsalita at tinatakot kami. Kaya lang yun wallet naalala ko at sinabi ko…
“ser kinuha po yun wallet ko ng isa sa inyong kasamahan.” “Ano?” ang sigaw ng hepe…medyo may distancia sa akin yung hepe at isinigaw ko na…“Ser yun isang kasamahan mo, kinuha ang wallet ko!”
Narinig tuloy ng mga ususero. Lumingon sa mga kasamahan niya sa kaliwa’t kanan ang hepe. At nilapitan ako ng ilang pulis na para bang mga mananakit. Sa akin na napunta ang atensiyon ng mga pulis at mga tao. Ilang baril ang nakatutok sa akin. Mabuti maraming taong nakikiusyuso, kayat sabi ng hepe nila…
“sige, ituro mo kung sino?”
Tiningnan ko ang hanay nila isa isa, pero hindi ako umalis sa kinatatayuan ko. kaso, hindi ko matandaan at di ko maaninag ang mga mukha dahil sa silaw ng pulang ilaw ng patrol cars.
Sabi ko, “ser, hindi ko po matandaan kung sino.”
Nong sinabi ko na hindi ko makilala, lumabas yun isang pulis na nakakubli sa likod ng owner jeep at bigla kong tinuro at sinabi kong…
“siya sir! siya po!”
Naalala ko bigla ang bulaklaking polong suot niya, na para bang taga Buhay party list.
“Ahh, saiyo ba ‘to?” sabi ng mabulaklaking pulis, “ininspection ko lang baka may nakaipit.”
Iniabot nya sa akin at agad kong binulsa. Hindi ko na tiningnan, para hindi na humaba pa ang usapan. Biglang nagsenyas ang hepe nila sa grupo na alis na sila. Parang siya ay nahiya at buti na lang parang may operasyon pa silang pupuntahan at nagmamadali. Hindi naman talaga kami ang sadya nila, parang nadaanan lang kami. Hindi rin kami napag-initan nila masyado, kasi lahat kami mga taga gobyerno at katatapos lang ng EDSA revolution noon at nakikiramdam pa ang mga pulis. Kung hindi, baka na pag-initan kami, sa kulungan sana kami magpapalipas ng gabi.
Isa isa na kaming nagsiuwian, sumakay ako ng dyip, at ng magbabayad na ako, tiningnan ko ang wallet ko, wala na yung 300 ko. Kinapkap ko yun bulsa ko, wala na kong pamasahi. Patay! Ang ginawa ko kapag may babayad, iniaabot ko sa tsuper, sabay sabi bayad daw po, nagkakailan din yun, hangan yun inabot nong huli ang sabi ko na, bayad ma.
Ilang sandali pa, sabi ng driver…“yung di pa bayad diyan, pakiabot na lang”
Hehehe, kunyari di ko naririnig, tinatakpan ko ang mukha ko ng braso ko habang nakahawak ako sa barandilya. Pero, pakiramdam ko sa akin nakatingin ang lahat. Ilang minuto pa, sumabay na ko sa nagpara, kahit malayo pa ako sa bababaan ko.
Nakarating ako ng bahay mag-aalas dos na ng madaling araw. Medyo nawala na yun kalasingan ko sa haba ng nilakad ko sa ilalim ng dilaw na buwan. Madilim na ang bahay, pagkatok ko, bumukas ang ilaw. Pinapangit ko ang mukha ko at tinaas ko ng bahagya ang mga kamay ko na nakabaluktot ang mga daliri, parang paa ng agila, para takutin ang katulong namin. Pagbukas ng pinto, sabay akong nag…”waaahh, hah!!!, ay, ngek!”
Yung bayaw ko pala. Wala man lang reaksiyon, biglang tumalikod, ang sungit.
Pagbubulay-bulay
Sabi nga drink moderately, huwag ilagay ang alak sa utak. Ang daming mga pabala, parang tumatalab naman.
Kaunti naman talaga ang nagpapasaway. Kung meron man, talagang nasa dugo niya na yan, na kapag nahaluan ng elemento ng alak umiiba ang daloy, tumataas ang presyon sa ulo, hindi niya ma-control. Samahan pa ng personal na problema at depresyon, talagang nababago ang pagkatao. Lumalabas ang kahinaan niya, kaya’t may tendency na mawala sa sarili.
Meron naman, kahit hindi nakainom talagang pasaway na, talo pa nga ang lasing sa droga. Mas nakakahiya, kaunting deperensiya, pinalalaki, hindi makapagpasensiya. Akala niya siya ang laging tama, kapag nabatikos, nanakit na, hindi mapigilan ang sarili. Malulutong na mura ang pinakakawalan ng bibig niya, parang maysanib na demonyo. Mabuti pa ang nakainom, naiintindihan mo kasi lasing.
At meron naman kahit lango sa alak, pa-zigzag na nga kung lumakad, kaya niya pang dalhin ang sarili. Parang ang sapatos naka-waze, pagnakarating sa papag, tulog agad, kinabukasan, ang tanong niya sa sarili…”paano ba ako nakauwi?”
Epilog
Ang kuwentong ito ay iniaalay ko sa mga kumpare’t ninong ko na si Vic Perez, kung nasaan ka man magparadam ka naman, kay Jeth Balita na kasalukuyang nasa America, na patuloy pa din nag-iinom ng beer na may halong mani sa baso at kay Arthur Isidoro, na kamakailan lang ay kinuha na ni Lord.
Naalala ko pa ang sabi ng Judge ng nagpasakal ako kay Sweetie…“Nagdala ka pa ng goons, sino ba itong tatlong itlog na’to?”
Maraming-maraming salamat mga pare ko sa pagkakaibigan at ang hindi malilimutang mga araw na magkakasama tayo…Miss ko na kayo!

Maraming salamat sa inyong mga comments at sa oras na naubos niyo sa pagbabasa. Mabuhay kayo ger!
Grabe ang mga experiences natin sa NIA. sarap balik balikan.
Hahaha!!! Well done Ger! …Freda Asuncion
Sa Nia pa ba kayo noon?…Marilou Magalit
Galing mo Ger Don Beringuela!!!…France Bolvar Magallon
LikeLike